Sunday, September 21, 2014

ANG PROBINSYANO 9th Chapter (Drayber ng Mayaman)


Umalis ako bilang drayber nina kuya Maning at ate Lydia na labag sa kalooban. Ba't kasi hindi na lang ako nanghingi ng dagdag na sahod ng diretsahan. Dinaan ko pa kasi sa lab leter na englis. Ayon, napasubo tuloy si sheakespear. Buti nalang inrekomenda ako ng pamangkin ni kuya Maning sa isang pamilyang mayaman.
Pinapunta ako sa isang mamahaling botique sa may Robinson's Galleria sa may Ortigas. Nagdala ako ng biodata doon. Tinanong ako ng mistisang babae na nasa edad na kwarenta y sinko pag dating ko doon. "Okaw ba si Jun?"... "Opo, pinapunta po ako dito ni kuya Mike." Mabait kong sagot. Pinaghintay muna ako ng mga sampung minuto bago ako kinausap ulit ng mistisang babae. Ako si misis B____, eto si Mr. B_____ pormal na pakilala sa akin ng mag-asawa. Sila ang magiging amo ko.
Bumaba kami sa basement parking at ibinigay sa akin ang susi ng sasakyan. Ito na ba ang drive-test ko? Naisip ko. Sumakay ang dalawa kong boss sa likuran at punta daw kami sa isang pagawaan nila ng T-shirt sa may Pasig. Isang dating sikat na brand ng T-shirt ang pinuntahan namin. Sila pala ang may-ari ng dating sikat na PBA basketball team. Maneho lang ako ng natural. Medyo kabado. Isang model 1990 Toyota Corrola 1.6 liter ang sasakyan. Doon ako nananghalian sa pagawaan ngnT-shirt. Tapos punta kami pagka hapon sa isang malaking Super Market sa may Makati. Sa kanila din daw iyon. Ilang opisina pa ang pinuntahan namin, lahat sa kanila. Saka kami umuwi.
Alam ko daw ba ang Ayala Alabang? "Opo" mabait kong sagot. Doon daw kami pupunta. Halos trenta kilometros din yon. Maneho lang ako ng maneho. Dumating din kami sa may gate ng Ayala Alabang Village. Huminto ako. "Ma'am?" Nakatulog na pala pasahero ko. "Oh, we're here! Pasok tayo." Sabi ni mrs. B____. Una kong beses pumasok sa sikat na Ayala Alabang! Ang lapad ng daan, parang Edsa! Ang lalaki ng humps, lilipad ka pag di ka nag minor. At ang gaganda nang mga bahay parang yong mga nasa pictures na pang display! Oh, la la! Taga Ayala Alabang pala sila? Ang eksklusibong lugar na kahit Pesidente, bise Presidente, Senador, Congressman, Governor o Mayor ay hindi basta-basta makakapasok basta't walang estiker ang sasakyan. Kapit bahay nila si Presidente Ramos doon.
Dumating din kami sa bahay nila. Ito na ba yon? Ang dami-daming sasakyan, mga walo. At lahat bago! Ang minamaneho ko pala ang pinakaluma nilang sasakyan. Pero yon na ang pinaka bagong sasakyan na napagmanehoan ko. Siguro sinadya nila para masubukan kung gaano ako kagaling mag maneho sa pinaka luma nilang sasakyan, napag-isip ko. Pumasa kaya ako sa drive test? Iyon na yata ang pinaka mahabang drive test nang buhay ko, halos boong araw! Sinalubong kami ng tatlong katulong. Labasan din iba pang driver. Dumating na kasi ang dalawang big boss. At dumating na rin si Henry Schumacker! Sa galing kong magmaneho nakatulog ang dalawa kong boss!
Apat na pala ang drayber nila. Pang lima ako at ako ang pinaka bata sa edad na beynte. Anim ang katulong at walang maganda. Medyo di ako masaya. Meron kaming sariling driver's quarter na naka aircon. May swimming pool ang bahay. Ang laki-laki ng bahay. Dito na ba ako titira? Sa sahod na apat na libo isang buwan ay wala na akong mahihiling pa. Isa na akong Alabang Boys! Sosyal na sosyal. Forbes Park at Dasmarinas lang ang katapat ng Ayala Alabang. Hindi ka 'rich' pag wala kang bahay sa tatlong village na yon. Yon ang sabi-sabi. Oh ha!
Part 2
Kinabukasan ay pinuntahan ako ng pinaka pangit na katulong at sinabihang maligo na agad at kumain dahil ako daw magmamaneho kina mam at sir. Tinginan mga kasama kong driver. Isa lang ibig sabihin noon, dapat nilang linisin ang sasakyan na gagamitin namin at isakay ang mga dala-dalahin ng mga boss namin habang ako ay naliligo at kumain. Nakakahiya man, iyon ang protokol ng mga drayber doon. Tulangan ang lahat para maging madali at walang hassle ang buhay ni mam at sir. Aba! Mukhang okey ito ah! Napag-isip ko. Isang bagong imported na Toyota Land Cruiser ang pinagmneho sa akin. Galing pa iyon ng Amerika at sobrang laki. Tatlo lang daw ang Land Cruiser na ganoong model sa Pilipinas, pagmayabang sa akin ng pinaka matandang drayber na si mang Ontong. Mag seseynta anyos na siya.
Isang lingo din na ako palagi ang nagmamaneho sa mga boss. Di ko alam kong normal yon. Sino kaya sa apat ang dating nagmamaneho sa kanila? Masarap maging driver ng big boss. Alagang alaga ka ng lahat! Pag dating ng opisina o pagawaan ay ang bib1ilis ng mga gwardya mag bukas ng gate at may sariling eksklusibong parking space pa. Masarap din pinapakain sa akin kahit saang opisina kami mag punta. Para akong espesyal na bisita kahit saan. Halos lahat ng empleyado ay gustong makipag-kaibigan sa akin. Bakit kaya? Iyon pala, gusto nila ang mga tsismis ko kung ano ang napapakingan ko sa mga boss ko habang nagmamaneho. Galit ba si boss? Sino pinagalitan ni boss? Masaya ba si boss? Sino paborito ni boss? Saan pupunta si boss? Kumbaga, isa pala akong santo na malapit na malapit sa boss. Yon ang tingin nila sa akin!
Dumating ang linggo at day off ko. Gumising ako ng alas dyes ng umaga. Pagod akong nag mamaneho boong linggo. Pumunta sa kusina upang kumain. Ngumiti ang pangit na katulong. Siya ang pinagkatitiwalaan ng lubos ng mga boss. Nakipag tsika sya sa akin. Gusto daw ng dalawa naming boss ang estilo ko sa pagmamaneho. Maingat at katamtaman daw ang bilis at bagal ng takbo ko. Hindi raw ako naligaw kahit isang beses boong linggo. Isa daw akong tunay na defensive driver. Medyo pumalakpak ang tenga ko sa aking narinig. Bahagyang gumanda ang paningin ko kay Pangit. Naging magkaibigan agad kami. Lahat ng reklamo ko ay sa kanya ko daw ibulong at tiyak darating sa boss. Okey din naman pala si pangit, este, si Maricar pala.
Sabi ni Maricar, bihirang magsama ng sasakyan ang mag-asawa dati. Iba-iba sila ng sasakyan at driver.Himala daw na palagi silang sabay sa umaga ng dumating ako. Yon pala, ang nang yayari ay, Mrs. B___: "Dad, whose your driver today? Mr. B___: "Si Jun, mommy." Mrs. B____: " Okey, I'll join you in the car." Kaya daw ako kinuha para maging driver ni Mrs. B___. Pero inaagaw daw ako ni Mr. B___. Doon ko lang nalaman na big deal pala sa mga mayayaman kung sino ang driver nila dahil nasa kamay ng driver ang buhay nila. Pero binulongan ako ni Maricar "Mag-ingat ka, may isang driver na ang nabaril dito dahil sa tangkang kidnapin si mam." Medyo kinabahan ako. "At may death threat si sir, pero matagal na yon kaya wala nang armadong body guard kayong kasama." Seryosong paliwanag ni Maricar.
Part 3
Naging ako na ang driver ng mag-asawa. Kung saan sila andon ako. Nang bumili sila ng bahay sa loob mismo ng Subic base, kasama ako. Natutuwa sa akin ang mag asawa dahil nakikipag-usap ako ng english sa kanila. Ang problema, pag may lakad sa sabado o linggo ang mga anak nila, ako parin ang magmamaneho. Bugbug ako sa kamamaneho nilang lahat. Pag nag night out ang anak dalagang babae ako ang driver. Pag nag out of town ang anak na binatang lalaki ako na naman driver. Pag nagpa party si Mister, ako naman driver.
Medyo nag iba ang tingin ng mga driver sa akin. Minsan pinag tutulong-tulongan nila ako sa argyumento ng pagalingan sa alam na daan, sasakyan at iba pa. Ayaw kong makipag talo. Mga beterano sila. Pero minsan nilasing nila ako. Lumaban ako sa debate. Di pa pala sila nakapag buo ni isang sasakyan. Di pa sila nakakapag maneho ng malalaking truck. Di nila alam mag trouble shoot ng sasakyan. Tahimik silang lahat ng sabihin kong isa akong gold medalist na mekaniko at marami na akong naboong sasakyan sa mura kong edad. Inisa-isa kong banggitin sa kanila lahat ng parte ng sasakyan at makena at ano ang pinaggagawa nito. Tulala silang lahat. Panalo ako sa payabangan! Di pa nila naranasan ang magneho sa highway na biglang bumukas ang hood sa harapan. Di pa nila naranasan ang matanggalan ng propeller ang truck at ayosin ito mag-isa. Di pa nila naranasan ang magmaneho na biglang nagliyab ang ilalim ng hood. Di pa nila naranasan ang magmaneho na sira ang clutch. Naging kaibigan ko silang lahat pagkatapos noon.
Minsan nag-inuman ulit kaming mga driver. Nalaman ko sa kwentohan na si Mang Ontong pala talaga ang paboritong driver ni mrs. B_____. Pagdating ko ay na etsapwera si mang Ontong at palagi na lang sa bahay. Pareho parin ang sweldo niya pero alam kong na miss niya ang status na pagiging star driver. Kung sa basketball, siya si Magic Johnson at ako naman ang bagong sikat na si Michael Jordan! Ako ang darling ni mrs. B___, ako ang darling ng mga manager sa mga negosyo nila. Ako ang nag nagmamaneho ng pinaka bago at makinis na sasakyan. Sa akin sumisipsip mga gwardiya. Ako ang taong pinaka malapit sa The Big Boss! Samantala, si mang Ontong ay badly demoted. Siya na ngayon ang hari ng harden at darling ng anim na katulong. Siguro kung magaganda lang sana ang mga katulong ay tiyak na masayang masaya si mang Ontong na maiwan sa bahay. Kaso, hindi. Medyo may hinanakit siya. "Tatanda ka ring tulad ko na driver ng pamilya nila". Mapait na paghinanagpis ni mang Ontong na kumausap sa akin. Naawa ako sa kanya.
Di ko nalimutan ang munting mensahe ni mang Ontong. Ayaw kong tumandang Star Driver ng amo ko. Oo, masaya ako, malaki ang sweldo at masasarap kinakain. Pero, halos di na ako makapag day-off. Paano na ang love life ni Michael Jordan? Meron isang manager ng botique ng boss ko naging kaibigan ko. Maganda siya at hiwalay sa asawa. Doon ako palaging tambay. Madalas kong sabihin sa kanya na paborito siya ni mam. Doon ako naghihintay sa botique habang si mam ay may ibang personal na lakad kasama mga anak o kaibigan niya. Naging "close friend" kami ng manager. Pero bawal yon. Ayaw niyang mabuking kami, baka daw matanggal siya.
Kaya nakipag-usap ako kay mam na umalis. Ang sabi ko ang mag-aaral ako ng bar tender training para sa mga international Cruise Ship. "Bakit kapa mag aaral, may -trabaho kana?" Kulit mi mam. "Gusto ko pong maging 'stable' ang kinabukasan ko mam". Pagtatanggol ko. "You are stable with us, Jun. Anything you need we will provide." Seryosong sagot ni mam. Di na ako umimik. Mukhang wala ng plano si mam na pakawalan ako. Totoo ang sinabi ni mam. Lahat ng mga driver at katulong ay may malalaking utang na advance sa kanila. Si mang Ontong ay may advance na mahigit seyento singkwenta mil ng ipa opera ang apo nito.
Patuloy buhay ko. Madalas akong mag drive kay mr. B___, na mahilig sa piano bar. Minsan tig alas 2:00 ng madaling araw na kami umuuwi. Wala akong hapunan madalas dahil hindi ko iniiwanan mamahalin nilang sasakyan, baka ma 'carnap'. Pag sabado, ako ang kumukuha sa anak na lalaki doon sa UP Los Banos. Mahilig sa car racing ang binata. Gusto niya di bababa sa 120 kph takbo namin sa South Luzon express way. Pag dating ng 120 kph ay sabi "we're too slow! Hit 140 please." Takbo ako ng 140kph na nimaneho ang kanyang bagong lowered 1.2 Nissan LEC na may turbo yata. Nang marating ko ang 140kph ay medyo kabado na ako. Parang kumikipot ang daan at alam kung isang maling pihit lang ng manibela ay sa gilid na kami pupulotin. "Is that the best you can do?" Hamon ulit ng binata sa akin.
Reklamo ako kay Maricar na naging parang ate ko na. Sinumbong niya kay mam. Sinabi ni mam na pwede na daw akong mag 'liquidate' sa mga kain ko sa labas pag si mr. B__ ang kasama ko. Wala raw cash si mr. B___ palagi at credit card lang ang dala. Hindi na rin ako pinagmaneho sa binatang lalaki sa Los Banos. Malakas pala ako kay mam! Lahat gagawin niya para lang komportable ako.
May dumating ng malakas na bagyo at tinamaan ang Metro Manila. Buwal karamihan ang mga naglalakihang akasya sa loob ng Ayala Alabang. Nagpaalam ako na magbakasyon ng ng isang linggo kunwari ay tutulongan ko tiyohin ko na ayosin bahay na nasira ng bagyo. Nagpaalam ako kay mang Ontong at sinabing hindi na ako babalik. Di niya alam kong magiging masaya o malungkot. Magkaibigan na kami. Para na raw niya akong anak. Pero ang pag-alis ko ay magandang balita rin sa kanya. Babalik siya sa dating masaya at aktibong buhay. Nag paalam din ako sa mga katulong. Sinabihan ko si Maricar na di na ako babalik. Bakit daw. Medyo nagalit siya sa biglaan kong desisyon. Ginawa daw niya lahat para tulungan ako tapos aalis lang. Buo na ang pasya ko. Sana daw di ako makalimot. "Oo, naman!" Sagot ko.
- END OF CHAPTER 9

No comments:

Post a Comment