Sunday, September 21, 2014

ANG PROBINSYANO 12th Chapter (Akawntant)


Masaya ako na nakatapos din sa koleheyo ng kursong akawnting. Pero mas masaya ang Nanay ko. Lahat kaming magkakapatid ay mayroon na ring diploma at iyon ang pinaka pangarap ng bawat Nanay. Hindi na ako humiling pa ng class ring kahit tinanong ako ng Nanay ko. Tama nang may diploma ako. Hindi na sana ako sasali sa ehersisyo ng gradwasyon pero pinilit ako ng Nanay ko. Para daw sa kanya yon.
Ewan ko, sadyang hindi importante sa akin ang anumang seremonyas ng gradwasyon. Siguro ingit lang ako sa iba na merong awards, ako wala. Siguro inggit lang ako sa mga gradwasyon dahil lumaki akong hindi man lang makakuha-kuha ng ribbon o ranking sa elementarya at high school kahit man lang pang sampu. Pero ako rin ang dapat sisihin dahil tamad akong mag assignment at homework. Pero sa kailaliman ng puso at isipan ko, alam kong meron akong kakayahan at meron akong ibubuga. Sadyang hindi lang talaga ako magaling magpa bilib sa mga titser para makakuha ng maataas na grado. Kaya inggit ako sa mga klasmeta na palaging may ribbon o award. Mas magaling sila sa akin. Isang katotohan na hirap na hirap akong paniwalaan. "Mas magaling ako sa kanila!" Sigaw ng mayabang kong puso. "Eh di, patunayan mo!" Kantyaw ng praktikal kong isipan.
Isang linggo matapos ang gradwasyon ay naghahanda na ako sa mga papeles ko upang maghanap ng trabaho. Opisina na ang a-aplayan ko, hindi talyer o drayber. Sosyal! Tama na ang halos limang taon na palamunin lang ako. Dapat ko nang bayaran ang malasakit ng Nanay ko sa akin. "Back to work!" Ika nga sa englis. Kinausap ako ulit ng Nanay ko. Gusto ko raw bang mag take ng CPA board exam. Sabi ko ay "Oo." Pero kailangan ko pang magtrabaho at mag-ipon para doon. Pinaliwanag ko sa Nanay ko na kailangan kong mag review sa Maynila upang tumaas ang tsansa kong pumasa dahil nandoon ang pinaka magaling na review center. Hindi pa kasi ako masyadong hasa para sa matinik na CPA board exam, paliwanag ko.
"Meron akong naipon na singkwenta mil pesos, kasya na ba yon para sa review mo sa Maynila?" Ano raw? Ako bibigyan ng singkwenta mil ng Nanay ko para sa CPA review? Ang laki noon! Wala akong pambayad sa ganun kalaking halaga. Ano ako, sinuswerte? Ilang taon ba niyang pinag ipunan iyon? Kaya nag alanganin ako. "Eh, paano pag di ako pumasa?" Tanong ko sa nanay ko. "Papasa ka!" Sabi ng Nanay ko. Ang tapang ng Nanay ko. Para siyang pumusta ng Singkwenta mil sa isang manok pansabong na wala pang panalo derby. Alam kaya nya kung gaano kahirap ipasa ang CPA board exam? Nasa tatlo hanggang apat lang ang pumapasa sa bawat beynte na kandidato na kumuha ng board exam o 15 to 21 percent. Isa iyon sa pinakamahirap na board exam. Nakakatawa kung iisipin. Kung ibibili namin ng bigas ang singkwenta mil ay mahigit limampong sako na ng bigas iyon, may sukli pa!
Pero sadyang determinado na talaga Nanay ko. Mataas ang kumpyansa niya sa kanyang "manok" na mananalo sa isang napakalaking derby. Di iya alam, maraming Cum Laude, Magna Cum Laude, at Summa Cum Laude galing sa pinaka matitinik na paaralan sa Pilipinas ang di pumapasa sa CPA board exam taon-taon. Ganun ka lupit at ka O.A. at walang kwenta ang exam. "Ridiculously expensive and difficult" ang tawag doon sa Englis. Pag naging CPA ka naman ay babayaran ka lang ng di aabot sampung libo isang buwang sweldo bilang lisensyadong akawntant. Ganun ka bobo ang educational system natin. Naghihirap lang sa wala. Kaya nga halos mga instsik lang yumayaman sa pinas dahil puno ng kabobohan at kayabangan mga lider natin sa gobyerno! Mga paaralan naman natin sa pinas ay puno sa kapormahan. "Form over subtance" ang tawag doon. Kesyo UP o De La Salle o Ateneo ang isa, ibig sabihin daw ay mas matalino na siya kay sa galing sa probinsyang eskwelahan. Ano raw? Eh mayayaman lang ang nakaka-afford doon. Paano na ang matatalinong mahihirap? "Discrimination" ang tawag doon. Kaya nga palubog ng palubog ang pinas eh! Puro pasikat ang alam ng gobyerno at mga eskwelahan natin.
Part 2
Doon ako mag re-review sa maynila. Doon sa pinaka sikat na CPAR. Mga alamat at mismong writer ng mga sikat na accounting textbooks ang mga reviewer doon. Nandoon si Valix, Peralta, Rodel Roque at iba pa. Sila ang mga idolo ng sinumang nangangarap maging CPA. Kung gusto mong pumasa sa CPA licensure exam, isa lang ang dapat mong puntahan, CPAR. Iyon ang sabi sa akin ng kaibigan kong si Marites Gerero-Languita na schoolmate ko na CPA na.
Ang problema, nagkaroon ng di pagkakasunduan ang mga reviewer sa CPAR. Anim sa sampung reviewer ng CPAR ay tumiwalag at bumuo ang bagong review center and Review School of Accountancy o 'RESA'. Ang malas ko naman! Bakit ngayon pa?! Tumawag ako sa CPAR at RESA. Walang sumasagot sa telepono ng CPAR. Sa RESA naman ay sinagot ako ng mismong reviewer ni si Mr. Oberieta. Tinanong ko siya kung ano ang advantage ng RESA laban sa CPAR. Sinabi nya na 87.5 percent ng subjects sa RESA ay hahawakan nilang anim na reviewer ng tumiwalag sa CPAR. Samantala ang CPAR, apat na orihinal na reviewer na lang ang natira at matatanda pa. Kaya nag desisyon akong sa RESA mag enroll.
Balik Maynila ang bida! Nag boarding house ako sa may Quiapo. Malapit lang sa mga lugar kung saan ako nagpalaboy-laboy dati. Sadyang tutuo ang kasabihan na habang may buhay ay mag pag-asa. Unang araw ko sa RESA, umakyat ako sa 4th floor ng isang building at nabasa ko "Welcome Future CPAs!" Iyon ang nakasulat sa may pintuan. Nandoon din ang higit dalawang libong CPA reviewee mula sa iba't ibang sulok ng Pilipinas na pinili ang RESA kesa sa CPAR. Ako lang ang galing Cebu. Walang taga San Carlos, walang taga USJR, walang UC, walang USP, walang UV, walang CIT. Ako lang talaga mag-isa galing Cebu. Isang walang kamuwang-muwang at naliligaw na kaluluwa. Tama kaya desisyon ko sa mag-enroll sa RESA? Sabagay mas mabuti na yon, ako ang palaging Top 1 mula sa Cebu! Ang nag-iisang pambato ng Cebu, si Ernesto S. Abines Jr.! Ang dating taxi driver. Yehey! Pero walang pumalakpak.
Nag-aral ako ng husto. Kain, pasok, tulog at aral. Minsan ay nag si-sine din. Patay ako sa Nanay ko! Pero sine lang naman.....at Jolibee syempre! Nakaka ingit mga classmate ko sa review. Para silang mga batang alagang-alaga ng chaperon nilang titser. May nakatabi akong galing Dumaguete. Matatalino sila at subsub sa aral. Maganda si Miss Dumaguete. Kayumangi at may dimples. Di ako makatitig sa mga mata nya. Sadyang nanginginig ako at nabubulol. Pero magkaibigan kami. Madalas niyang ituro sa akin ang pinaka pambato nila sa grupo. Sobrang talino daw ng pambato nila at crush na crush nya. May ngiting pabulong niya sa akin. Sarap sabihing "ang crush ko ay ikaw" pero na totorpe ako. Ah basta aral lang ako ng aral. Minsan sini-share pa niya sa akin mga private review materials nya. Minsan inalok pa akong sumama sa private review session nila. Okey lang daw akong sumali dahil bisaya ako galing Cebu sabi daw ng titser nila. Kumbaga kakampi ako. Tumanggi ako. Naiilang ako sa style ng pag aaral nila. Masaya na ako makita ang ngiti ng crush ko. Pero naiinis akong marinig pag binanggit niya pangalan ng crush nya. Mas gwapo pa naman ako doon ah! Masyado maraming pimples crush niya. Naisip ko. Ang yabang ko talaga. Torpe naman!
Dumating ang araw ng unang Pre-board exams. Umaga yon. Pinaghanda kami ng mga reviewer na parang tutuo ang board exam. Parehong oras, naka puti kami lahat. Lahat ng rules sa actual board exam ay sinusunod. Calculator lang dala at lapis. Ang kaibahan lang daw ay ang lugar ng exams at mas mahirap ang pre-board kay sa actual. Para daw mas tutuhanan ang result at pag bumagsak ka ay pagbubutihan pa ang aral sa second pre-board. Talagang sobrang hirap ang exams. Kabado lahat. Ginawa ko lahat ng makakaya pero sadyang di ako sigurado sa mga answers ko. Sobrang komplikado ang mga problems. Paano na pag di ako pumasa sa unang preboard? May pag-asa kaya ako sa actual board? Lipad lahat ang yabang at tapang ko. "Moment of truth" ika pa sa englis. Nakupo! Nakakatakot malaman ang results! Singkwenta Mil pesos pusta ng Nanay ko sa akin! Patay ako!
Ilang araw din bago natapos ang checking ng pre-board. Hindi seryoso ang klase. Panay biro at tukso ng mga reviewer namin na sina Rodel at Gerry Roque, Mr. Oberieta, Mr. Tamayo, Mr. Dayag at isang Attorney. Wag daw kaming kabahan. Bagsak din naman kaming lahat. Kaya gumawa kami ng gimik. Kung sino daw may crush ay ipadala ang message sa reviewer at babasahin iyon sa entablado mismo. Medyo sumaya at nawala ang tensyon. Gumawa ako ng isang poem para sa crush ko:
A Poem for Charlyn
I like you
I don't know if you like me
I dreambt about you
I don't know if you even think about me
You once stared at me and smiled
My heart just trembled my tongue was tied
Oh how can I resist to a girl so pretty
With an angelic face and charming beauty
I rehearsed some lines to tell you 'I care'
Yet those words disappear whenever hou're near
Coz my heart realized that for me you're too pretty
Just like in the movie I'm the beast you're the beauty
My ambitious heart is longing for you
My heart and soul wished it'd come true
But something whispered this is not our time
Maybe in other life you'll finally be mine
So let this fool write some few more words
For a poet like me, its my weapon and sword...
Binasa yon ni Mr. Oberieta. Instant hit! Sikat si Charlyn. Siya ang may pikamahaba ang hair! Ika nga. Sino daw ba gumawa ng poem? Tanong ni Mr. Obrieta. Gusto kong matunaw sa hiya. Sising-sisi ako bakit ko pinabasa. Wala naman sa usapan na ipakilala o patayuin ang nagpadala ng sulat. Paano na to! Ma e-expose ang pagkatao ni Spiderman! Nag iba pakikitungo ni Charlyn sa akin mula noon. Siguro naisip nya ang palagi niyang pagyayabang sa crush nya sa akin at kung ano-ano pa binubulong niya sa akin dati. Kasalanan iyon ng poem. Kasalanan ni Mr. Oberieta lahat! Di na ako kinausap ni Charlyn. Palagi siyang tinutukso ng mga kasamahan niya. Pero ngumingiti naman siya sa akin paminsan-minsan. Sapat na yon.
Part 3
Lumabas din ang result ng unang pre board exam namin. Mga taga Marawi ang nag Top 1, 2 and 3. Pangatlong review na raw nila yon. Syempre ako ang nag Top 1 sa boong Cebu! Ako lang naman kasi ang nag iisang reviewee mula sa Cebu. Walang kalaban. Bigla nalang akong hinagpas sa likod ng kaibigan kong muslim na lalaki. "Pak!" Malakas na hagpas yon. Napa aray talaga ako. Nakangiti ang tarantado! "Congrats Pare! Ang astig mo!" Masaya niyang bati sa akin. Top 12 daw ako sa pre-board exam! Di ako makapaniwala! Binasa ko ulit ang listahan : "No. 12. Ernesto S. Abines Jr. (SWU -Cebu) ....Rating 88.++" Ako ba yon? Tanong ko sa sarili. Baka di ako yon. Pagdududa ko. Tatlong besis akong bumalik. Tatlong besis akong bumasa. Saka lang ako naniwala. "Ako nga yon!"
Di ko alam paano ako napunta sa loob ng classroom. Para akong nakalutang sa eri sa pagka top 12 ko. Matamis na ngiti at pagbati mula kay Charlyn ang natanggap ko. "Ikaw ha! Tahimik ka lang ang tali-talino mo pala." Sabi niya. Ako ang Top 1 sa boong Central Visayas. Pangalawa lang ang pambato at crush ni Charlyn at hindi kasali sa over all top 20. Siguro medyo pumangit ang tingin ni Charlyn sa crush niya. Duda ko. Sana pogi points ang pag top ko sa kanya. Lihim kong pangarap.
"Congtulations sa lahat ng pumasa!" Sabi ni Rodel Roque, ang idolo kong bansot. Siya ang pinakamagaling na reviewer at author ng mga libro sa Management Accounting Services o MAS sa boong pilipinas. "Sa mga hindi pumasa, di pa huli ang lahat." Dagdag nya. "Sa mga nag top 20, meron kayong nag-aabamg na surpresa sa opisina ko." May ngiti niyang sabi. Ano kaya yon?
Sulat mula sa top 3 Accounting firm ng bansa at boong mundo ang natanggap naming mga top notchers sa pre-board. Ayon sa sulat, bilib daw sila sa talino namin. Pagnakapasa na kami sa Actual Board exam ay ipakita lang namin ang letter sa opisina nila at agad kaming pasok sa trabaho. Isa iyong Job Offer mula sa Big 3 Accounting firms sa boong mundo. Kinausap ako ni Rodel Roque sa opisina nya. Malakas daw kutob nya na isa ako na mag top sa actual board exam. Pagbutihin ko raw. Wow! Friends kami ng idol ko! Ang Nanay ko ay pumusta sa akin ng Singkwenta mil basta pumasa lang. Pero heto si Mr. Rodel Roque, isang alamat na reviewer at sikat na Accounting text book author ay dadagdag pa ng pusta na mag top ako sa actual board exam! Tutuo ba ito o panaginip lang? Mukhang bumibigat yata ang bagahe sa balikat ko. Hindi lang pala dapat ako pumasa, dapat mag top din! Gusto kong yakapin si Rodel sa tiwala nya. Pero gusto ko rin siyang sakalin sa dagdag bigat ng hamon nya!
Dumating ang pangalawang pre-board. Nag top ulit ako, No. 14. Kinausap ulit ako ng magkapatid na Rodel at Gerry Roque. Ang pangalawang besis na nag top ako ay nagpapatibay daw sa tiwala nila sa akin. Ibang klase sila kung mag motivate, tagus hanggang boto. Sinsero at pribadong meeting ang usapan namin sa opisina nila. Sana ganun lahat ng titser.
Dumating ang actual board exam. Dumating ang results. Dalawa lang mula sa RESA review ang nag top 20. Isang taga UP at isa pang galing sa sikat na paaralan. Yong taga UP ay top 16 namin yon. Hindi pumasok sa Top 20 ang mga taga Marawi na ubod ng talino. Masama ang loob nina Rodel na dalawa lang sa pambato nila ang nag top. Medyo hindi maganda yon sa marketing ng RESA.
"Sabi ko sayo pare, may mafia ang board exam" sabi ng ilocano kong ka boardmate. "Sikat lang na mga paaralan ang nag ta top sa board exam kahit anong gawin mo! Negosyo yan!" Siguro may katotohan yon. Bilib na bilib ako sa mga taga Marawi na palaging top 1, 2 and 3 sa pre-board namin pero top 16 namin mula UP ang pumasok sa top 20. Sa Amerika, pinagbabawal mismo ang pag announce at pag publish ng mga top notcher. "Pass or Failed" lang ang resulta. Dahil sa totong buhay, kawawa ang isang top notcher dahil tumataas ang ekspektasyon sa kanya. Marami rin ang maiinggit sa kanya. Pinapahirapan siya ng mga taong magagaling na nakapalibot sa kanya upang ipamukha sa top notcher na yon na mas magaling pa sila sa kanya. Eskwelahan lang ang may totoong benipisyo sa ranking. Dumadami enrollment pag sikat ang eskwelahan. Kayang ring mag bayad ng isang eskwelahan ng ilang milyon pasikatin lang ang eswkelahan nila. Magkano ba sweldo ng mga nasa Professional Regulation Commission at Board of Accountancy? Senador nga kayang mag nakaw eh.
Pumasa ako sa CPA Board pero hindi ako nag top. Panalo Nanay ko. Talo si Rodel Roque. Isa na akong ganap na Certified Public Accountant at may Job Offer pa ako sa the Big 3 Accounting firms sa boong mundo! Pero parang hindi pa rin ako masyadong masaya sa kaloob-looban ko. Ah basta! CPA na ako! Thank you Lord!
Ano kaya kung mag-enroll ako ng abugasya habang nag tatrabaho bilang isang Akawntant? Ang sarap sigurong tingnan pangalan ko na napakapakakaka-haba, biruin mo : Atty. Ernesto S. Abines Jr., CPA! Talaga naman. Sadyang hindi nakukuntinto ang tao. Pero malay natin, swertihin!
- END OF CHAPTER 12

No comments:

Post a Comment