Sunday, September 21, 2014

ANG PROBINSYANO 11th Chapter (Estudyante)


Oktobre1995 ng magbakasyon ulit ako ng Cebu. Beynte dos anyos na ako. Halos hindi na ako makapag salita ng bisaya dahil anim na taon din ako sa Maynila na di nagsasalita ng bisaya. Galit mga pinsan kong lalaki sa Cebu na hindi ako nagbibisaya. Sadyang nahihirapan lang talaga ako. Bubogbugin daw nila ako pag di ko pinilit mag salita ulit ng bisaya. Pinilit ko rin. Sa umpisa lang pala mahirap.
"Gusto mo bang mag-aral ng koleheyo?" Tanong ng Nanay ko. "Oo naman!" Sagot ko. "Benyte pesos ang allowance mo araw-araw basta tumulong ka lang sa tindahan." Sabi ng Nanay ko. Pumayag ako sa kundisyon nya.. Pero sinabi ko sa Nanay ko na oras na di kami magkasundo ay aalis agad ako at babalik ng maynila. Umiyak siya, bakit ko raw nasabi yon. Hindi na ako ang dating batang lalaki na pumunta sa Maynila, paliwanag ko. Isa na akong binata na may kakayang buhayin ang sarili at my sarili nang paninindigan, dagdag ko. Pero sisikapin kong maging mabait at masunurin, panigurado ko sa kanya. Pumayag rin siya. Ako ay magiging estudyante sa koleheyo at may allowance na beynte pesos araw-araw! At ako rin ay magiging Ice water boy sa gabi at alalay sa tindahan ng nanay ko! Iyon na yata ang pinaka masarap ng kasunduan sa boong buhay ko.
Nag enroll ako sa koleheyo sa pinaka malapit na unibersidad sa tindahan ng nanay ko. Pinili ko ang kursong Business Administration sa College of Commerce. Sa tutuo lang, mas gusto ang Engineering pero ayaw kong mahirapan sa mga gastudin sa projects ang nanay ko. Kaya Commerce nalang. Calculator lang ang dapat bilhin. Wala akong alam sa pinili kong kurso, ginaya ko lang ang kurso ng anak ng boss ko na si Kathy na nag aral sa De La Salle. Isa na akong estudyante!
Talagang nanibago ako sa bagong yugto ng buhay ko. Biruin mo, kakain lang ako at mag-aaral. Sisiw sa akin ang tumulong sa tindahan at mag gawa ng Ice water. Wala yon sa gutom at hirap na dinanas ko sa Maynila. Nangako ako sa sarili ko na magiging mabait at subsub sa pag aaral. Hindi ako mag sosyota hangga't di ko matapos ang kurso. Pwede ba yon? Ah basta! Walang syota hanggang maka gradweyt!
Ako na lang ang hindi nakapag aral ng koleheyo sa tatlo naming magkakapatid. Tapos na ng titser ang ate ko. Ang bunso naman namin ay gradweyting na sa kursong Computer Science. Lahat nga mga pinsan ko ay tapos na rin sa pag-aaral. Ako na lang mag-isa ang napag iwanan. Hahabol ako! Go go go! Taksi drayber kaya mo yan! Bulong ko sa sarili.
Part 2
Nang mag umpisa na ang klase ay talaga namang nakaka panibago ang mag suot ng uniporme at pumasok sa silid na puno ng kapwa ko estudyante. At napakaraming magaganda sa mga klasmates ko! Sa unahan ko ay seksi. Sa kaliwa ko ay mistisa. Sa kanan ko ay si malambing. Sa likuran ko ay si maganda. Anong swerte ko nga naman! Nakaka inspire naman mag aral king pinalilibutan ka la ng nag gagandahan tsikas. Mukhang mahihirapan ako sa pangako kong hindi magso syota. Hindi ako si Mr. Pusong Bato para di mabihag ng kahit isang binibini sa paligid ko. Madali akong ma in love sa maganda, malambing, sexy, sa mistisa at iba pa. Kakayanin ko kaya ito?
Lahat ng libro ng mga subjects ko ay binasa ko na parang komiks. Uhaw ako sa pag-aaral. Tapos ko ng basahin lahat ng text books wala pang mid term. Palagi akong top 5 sa mga exams. Ang dali-dali palang maging estudyante. Palagi ako sa library. Basa dito, basa doon. Binasa ko rin national history ng Pilipinas. Binasa ko lahat ng may interes ako lalo na sa mga kawalang hiyaan ni Marcos. Natapos ko ang unang semester na may average grade na 1.4 kaya nakakuha ako ng 50 percent scholarship discount sa pangalawang semester. Isa sa kasama ko na naging partial academic scholar as si Aida Zarate.
Pero bago natapos ang first semester ay nagkaroon nang departmental exam sa Accounting 1 namin na subject. Di ko alam kong ano yon. Pero sinabihan ako ng bunso kong kapatid na pagalingan daw yon sa lahat ng estudyante sa Accounting 1 mula sa iba't ibang kurso. Ini-expect daw nila na mag top 10 ang isang classmate nila na cum laude candidate sa Computer Science curse. Ganun? Mukhang gusto ko yon, pagalingan! Kaya sinabi ko sa Nanay ko at bunso kong kapatid na pag ako ang mag Top 1 sa departmental exam ay bibigyan nila ako ng liman daang piso bilang pabuya. Pag top 2 lang o top 3 ay wala silang babayaran. Natawa kapatid ko. Ang yabang ko daw! Natawa din Nanay ko. Pumayag sila sa kasunduan. Katuwaan lang naman. Pagkatapos ng departmental exam, hindi na tumawa kapatid ko at Nanay ko. Talo sila ng liman daan!
Para sa akin, ang koleheyo ay parang isang laro lang. Kain, tulog, ligo, pasok, basa, exams, oral exams at pindot-pindot lang ng calculator. Walang gutom, walang trabahong mabibigat, walang pawis, walang banggaan na nakamamatay, wala pulis na humuhuli, walang baril na nakakatutok sayo at hindi ka ikukulong kung di ka pumasa sa exams. Ang sarap ng buhay koleheyo. Isa lang talaga ang mahirap sa akin. Yon ang tumingin sa magagandang klasmates kong mababait at malalambing. Meron isa nag sabi suplado daw ako. May isa nag sabi bakla daw ba ako. May isa nag sabi 'harmless' daw ako. Di lang nila alam na nagpipigil lang si Derek Ramsay. Mahirap na!
Part 3
Pag dating ng second semester ay tinawag ako ng Dean namin ng College of Commerce na si mam Flordelis Rivera. Mag shift daw ako ng Accounting Major mula sa Business Admin course. Pumayag si ako. Sino ba namang first year college student ang tatanggi sa kahilingan ng Dean? Medyo tumaas kompyansa ko sa sarili mula noon. Sumali ako kabi-kabilang student organization. Presidente dito, bise presidente doon. Activities dito, activities doon. Madalas din akong makakuha ng leadership awards. Fraternity lang siguro at sports ang di ko sinalihan.
Sumali rin ako sa university paper bilang isang writer. Madalas ma center fold ang mga articles ko na ubod ng pagka aktibista at kritikal sa sistema ng gobyerno. Siguro, talagang mas magaling magsulat ang may tunay na karanasan sa buhay. Maganda ang feed backs ng mga artcles ko na puro isinulat sa englis. Minsan sumulat din ako ng short love story sa bisaya. Wow! Nag click naman! "Ang galing mo palang magsulat Mr. Abines! Medyo nakakakilig!" Papuri ng isa kong titser na walang ginawa sa klase kundi mag basa ng novel. Matindi rin ako kung tumira sa University Management. Dinadaan ko sa mga tula at jokes ang mga tira ko.
Kasali din ako sa student panel tuwing mayroong Tuition fee increase negotiation. Isa sa mga kasama kong student leader dati ay nasa GMA Kapuso AM Radio ang Achor man na si Gerry Auxillo dito sa Cebu. Minsan ay inagawan ko ng eksena si Gerry bilang SSG President. Sinabihan ko ang University President namin na si Dr. Cabatingan na pag natapos ang tuition fee negotiation at walang mababawas sa proposed tuition fee increase ay para na rin kaming walang silbi na mga student leaders. Binigyan kami ng 8 percent reduction sa bagong tuition fee rates. "Sino ba yong huling nag salita sa mga student leaders?" Tanong daw ni Dr. Cabatingan. Gusto ko si Dr. Cabatingan, palagi niyang sinasabi na "Everyone is a bundle of potentials!" Kababayan ko rin siya mula sa Surigao.
Niligawan din ako ng kasama ko sa College Editors Guild of the Philippines na maging mas aktibo sa pakikibaka sa tutuong buhay. Presidente din siya ng Anak Bayan. Sinabi ko sa kanya na ayaw kong sayangin ang pera ng Nanay ko para maging aktibo sa maka-kaliwa o leftist. Sinabi ko sa kanya na galing ako sa lugar kung saan pinaka makapal ang rebelding NPA at mga NPA mismo mga kapitbahay namin. High School palang ako ang alam ko na lahat ang laman ng mga sekretong seminar na pinapalaganap ng CPP-NPA para sa kanilang kompanya laban sa gobyerno. Sinabi kong marami akong mga kababayan nag nag sayang ng buhay sa pakikibaka laban sa gobyerno.
Pero magaling at kalmado sa debate si Marvin. Malalim na ang kanyang paninindigan na rebulosyon lang ang solusyon para sa tunay na pagbabago sa ating gobyerno. Sa tutuo lang may punto sya. Namatay si Marvin sa isang engkwentro ng mga sundalo at rebelde sa Bohol. Beynte Tres lang siya. Sayang ang buhay nya. Kung ako sa kanya, hindi na ako umakyat ng bundok para bagohin ang gobyerno. Sampung dinamita lang ang kailangan para pasabogin sa Senado habang nandoon sina Enrile, Hunasan, Bong Revilla at Jinggoy. Mission accomplish na!
Part 4
Medyo napa sobra ang extra-curricular ko hanggang mag third year college. Medyo notorious na rin pangalan ko sa university management at sa ibang mga titser na medyo umaabuso sa mga estudyante.Dinibdib ko kasi ang pagiging student leader. Nakalimutan ko na nasa koleheyo lang pala ako na isa lang training institusyon. Diploma lang naman talaga ang sadya ko sa koleheyo. Pero tinutuhan ko ko ang role bilang tatay-tatayan ng mga estudyante at medyo napasubo. Madalas kaming mag protest laban sa mga fees ng university. Marami na rin akong narinig sa mga klasmeyts at school mates ko. Malaki na raw ulo ko. Mayabang daw ako. Sobrang pasikat ako. Medyo tinablan din ako sa narinig ko.
Kaya nag lay-low ako sa leadership at nag focus sa academic sa last semester ng third year at fourth year. Palihim akong nag enroll ng Accounting Tutorial sa P.A.S.S. doon sa may Labangon kay Mr. Mario De Guzman. Palihim din akong nag enroll nag CPA Review sa review center ng San Jose Recoletos bilang under graduate. Medyo lumabas naman pangalan ko sa ranking sa USJR review center pero hindi sa top 20. Malayo pa ako sa katotohanan, naisip ko. Aral lang ako ng aral. Naging kandidato sana ako sa Editor in Chief na posisyon sa aming University paper pero di na natuloy. Nagising na ako na ang koleheyo ay isang kunwaring buhay lang. Isa lang itong negosyo. Malayong malayo ito sa katotohanan. Sa totoong buhay, hindi logic at tamang pag-iisip ang palaging nasusunod. Kung sino ang may pera at makapangyarihan, siya ang nasusunod. Isa lang akong estudyante na ang sadya ay diploma. Ang mga titser naman ay binabayaran lang para magturo. Ang totoong boss ay ang may-ari ng unibersidad. Iyon ang katotohanan!
Natapos ko ang kurso na hindi maganda ang average rating. Mabababa ang grades ko lalo na sa higher Accounting subjects. Ibinagsak pa ako sa Government Accounting ng titser kong mahilig sa novel. Walang kompanya ang may ganang mag hire sa akin pag nakita nila grades ko! Ba't kasi sumali pa ako sa walang katuturang mga extra-curricular. Lihim kong pagsisisi. Pero sa totoo lang, gustong gusto ang maging lider sa totoong buhay. Kaya okey na rin na may konti na akong karanasan kahit man lang sa koleheyo. Balang araw ay magagamit ko rin yon sa totoong buhay.
Pero isa lang ang mahalaga. Natapos ko ang koleheyo. Meron na akong diploma. Isa na akong College Graduate! Yehey! Yehey! Pero sa totoo lang, medyo di ako masaya. Dapat ay pumasa muna ako bilang isang Certified Public Accountant para matawag ko ang sarili na isang tunay na lisensyadong propesyonal. Kaya ko kaya?
-END OF CHAPTER 11

No comments:

Post a Comment