Sunday, September 21, 2014

ANG PROBINSYANO 6th Chapter (Drayber ng smuggler)



Tinanggap ako bilang isang helper mechanic ni Attorney. Si Obet ang chief mechanic namin. Maraming sasakyan si Attorney. Marami din siyang negosyo. Stay-in ako sa lumang bahay niyang dos-andanas na nasa tabi mismo ng LRT sa may Taft avenue. Sa totoo lang, hindi lisensyadong abugado si attorney. Pero nakatapos daw siya ng abugasya. Anak daw siya na isang donya sa Nueva Ecija.

Bago pa raw naging presidente si Marcos, isa sa pinaka mayaman ang angkan ni attorney. Marami silang magkakapatid na mayayaman at may sari-sariling negosyo sa kamaynilaan. Minsan meron silang isang napakalaking transaksyon ng ginto na magkakapatid. Pinagsama-sama nila ang pera nilang magkakapatid upang mabili ang napakaraming ginto. Kung saan galing yon ay di ko nalaman. Nag renta sila ng isang eruplano upang ibiyahe ang mga ginto sa Hongkong. Doon palang sa airport ay kinumpiska ng mga sundalo ni Marcos ang boong eruplano at ginto. Iyon ang umpisa ng pagbagsak nilang magkakapatid. Iyon ang alamat ni attorney. Kumpare daw niya si Erap.

Ang nadatnan ko nalang ay ang lumang bahay na yon sa Taft avenue at kuwento ng alamat. Pero marami pa ring negosyo si attorney. Bumibili siya ng mga sirang aircon at inaayos namin tapos ibenta ng mas mahal. Meron din siyang sauna strap na gawa sa goma pampa-payat daw. Nagpapa-upa rin siya ng kwarto sa malaki niyang bahay. Bumibili siya ng mha sirang-sasakyan at iyon ang inaayos namin ni Obet. Pero nag pinaka kumikitang negosyo ni attorney ay ang "pag paparating" ng mga balik bayan box galing Hongkong. Sinisingil niya ng pitong libong piso ang bawat karton at siya na bahala upang madeliver iyon sa may-ari sa maynila.

Doon ako natutong magmaneho. Ninanakaw ko ang susi ng mga sasakyan sa gabi at pinag praktisan. Walang nag turo sa akin. Sarili ko lang diskarte. Marami ding katulong si attorney. Halos mga kasing edad ko lang. Alam nang lahat na isa o dalawa sa mga katulong ay kanyang kerida. Hiwalay kasi si attorney sa asawa at boong pamilya nya ay nasa Amerika na.

Minsan umalis ang driver namin at walang nagmamaneho sa mga lakad ng kanyang negosyo. Nag bulontaryo akong magmaneho. Wala pang isang linggo ay kina-usap ako ni attorney. "May lisensya ka ba?" Tanong niya. "Upo" sabi ko, sabay dukot at ipinakita ko ang aking lisensya. Bagong-bago ang lisensya ko wala pang isang buwan. Sikreto akong kumuha ng student license at pina-professional ko kaagad iyon kahit di pa ako marunong mag maneho noon. Nagbayad ako ng "lagay" sa mga taga LTO sa may Tayuman.

"O, sige, ikaw na lang driver natin, di na tayo mag hire ng bagong drayber" tugon niya. "Eh... sir, papaano sweldo ko, eh otso seyentos lang samantalang mga driver mo dati eh mil y dos!" Ang subok ko na pataasin sweldo ko. " Eh, wala ka pa namang eksperyensa na drayber ah!" Atake niya. "Eh, di mag hanap na lang ho kayo ng bagong drayber." Katwiran ko. "Aba'y natuto ka lang magmaneho ang yabang mo na" medyo may galit na boses nya. Hindi na ako umimik. "O sya, sya! Mil y dos na sahod mo!" Sumuko rin sya. Panalo ako sa negosasyon! Tinalo ko si attorney! Ang galing-galing ko!

Part 2

Heyey! Isa na akong driver! Di na ako isang mekaneko lang na palaging marungis, kundi isa narin akong Driver Sweet lover! Ang pagiging Driver-Mechanic ang isa sa pinaka madaling makahanap ng trabaho sa maynila. At narating ko yon sa edad na dise otso. Para akong isang sisiw na ibon na bago lang natutong lumipad. Ang sarap maging malaya. Makakalibot na ako ng Metro Manila na ako ang may hawak ng manibela. Pwede akong humarorot, huminto, kumaliwa kumanan at umatras ng gusto ko. Ito ang tunay na kalayaan!

Pinag drive agad ako ni attorney ng de gasolinang 6 wheller Truck na Ford 350 model 1969. Sa Manila International Container Terminal o MICT ang assignment ko. Meron akong mga helper na mas matatanda pa sa akin. Ako ang kanilang Boss! Ang buhay nga naman. Lumaki na ang sweldo ko, naging driver na ako at meron pa akong mga helper. Ibig sabihin, ako na ang mag-uutos. At heto pa, palagi kaming may tip sa pag di-deliber namin ng mga balikbayan box. May singkwenta, isan daan, dalawang daan, limang daan at minsan isang libo pa, depende sa dami ng box na nai-deliber. Oh ha! Sa akin ang kalahati ng tip at ang kalahati ay para sa mga helper. Magparte-parte sila sa kalahating yon. Palaging malaki ang tip ko. Pero pinatas ko rin ang hatian kalaunan. Naaawa kasi ako sa kanila. "Ibang klase ka ring drayber Jun, hindi ka swapang" ang may sabing paghanga at pasalamat nila sa akin. Masaya na ako sa parte, di ko kailangan ang maraming marami.

Pero sadyang hindi ako tatantanan ng mga pagsubok. Isang araw ay hinarang ang truck ko ng mga ahente ng Crime Intelligence and Investigation Bureau o CIIB. Si Major Parayno ang namumuno sa kanila na kababayan ni presidente Ramos. Itinutok ba naman sa amin ang UZI! Lipad kaluluwa ko sa takot! Putlang-putla pa ako ng madatnan ni attorney sa detention cell sa may Camp Aguinaldo. Ngimiti lang si attorney at tinapik ako. Siya raw bahala. Pinalabas kami ng madaling araw kami tru k ko at laman nito. Magaling si attorney sa mga "cash-sunduan at mabu-boteng" usapan. Kaya daw kami nahuli ay dahil "smuggled goods" daw karga namin. Ano daw? Ah basta, bawal yon!

Napalitan ng takot ang eksaytment ko sa pagmamaneho. Hindi lang pala CIIB ang tumutugis sa amin. Kasama rin ang Customs Police, Customs Intelligence and Investigation Services o CIIS, Manila's Finest, Western Police District at ,maraming pang iba! Basta gobyerno at may baril ay kalaban namin. Para kaming daga at sila ang pusa. Tago dito, tago doon. Iwas dito, iwas doon. Huli dito, huli doon. Bayad dito, bayad doon. Kahit saan-saang police station rin kami nakulong at nakalabas. Klase-klaseng baril ang itinutok sa amin. May Armalite, may kwarenta y sinko, may trenta y otso, may UZI, may Ingram, may shot gun at marami pang iba. Nasanay na rin ako sa Huli-DAP. Pera lang talaga sadya nila, walang personalan kumbaga. Smuggler kami, kurakot na gobyerno sila. Ganun lang yon ka simple.

Part 3

Sa dami ng humuhuli, medyo nalugi talaga si attorney. Pulis na lang ang kumikita sa balikbayan box na negosyo. Kaya nag lay-low kami. Minsanan na lang biyahe. Madalas ako sa opisina patambay-tambay lang. Kaya sumasama na rin ako sa buy and sell ng mga aircon at iba pang negosyo ng boss ko.

Masaya din sa opisina dahil mga dalaga ang mga katulong ni boss. Lima silang lahat at magaganda. Kabit ni boss ang isa kaya kahit anong hilingin ay pinagbibigyan nya. Pag naglakwatsa ang mga babae ay ako ang ginagawang drayber ng kotse. Lakad dito, lakad doon. Pag wala si attorney, doon nila ako pinapatulog sa kwarto nila, sa gitna pa mismo! Ano daw? Basta, katabi ko silang matulog pag wala si attorney yon ang hiling ng mga babae. Hirap ako sa pag tulog. Crush ko yong isa kong katabi. Di ko alam gagawin.

Pag nasa biyahe ako ay panay kantyaw mg helper ko sa akin. Ano raw ginagawa ko sa kwarto ng mga babae. Wala, sabi ko. Bakla daw ako kung ganon. Tumawa na lang ako. "Alam nyo, binolungan ako ni Nora kagabi na ginagapang daw siya ni attorney sa gabi at inaalok ng pera". Kwento ko sa kanila. "Binigyan ko siya ng tatlong daan para umuwi na lang, eh ayaw. Malaki daw utang nila kay attorney. Kaya bahala siya sa buhay niya" patuloy ko. "Naku, may gusto lang yon sa'yo! kantyaw uli ng mga helper. "Huwag ka nang matulog sa kwarto nila, pag nalaman ni attorney, patay kang batang ka!" Sabi no'ng isa. Natakot ako sa narinig ko!

Hindi na talaga ako natulog sa kwarto ng mga babae. Ang problema, doon din natutulog natutulog yong isang babae sa kwarto ko. Ano ba yan! Pinagsabihan ko siyang huwag matulog doon sa kwarto ko, pero matigas ang ulo. Ayaw daw niyang may gumapang sa kanya. Wala akong magawa. Panay kantyaw pa rin sa akin mga helper. Minsan nilasing ako ng mga helper ko. Ganito raw at ganun gawin ko sa babaeng nasa kwarto ko.

Kinabukasan "Dapat panagutan mo ginawa mo sa akin kagabi, pakasalan mo ako! Sabi ng babae. Ano daw? "Hindi pwede, di naman kita syota eh. Kasalanan mong dito ka natulog sa kwarto ko!" Depensa ko na may hang-over pa sa ulo. Tinawagan ng babae mga magulang nya upang kausapin ako. Nakausap ko mga magulang niya at nag paliwanag ng boong katotohanan, walang iba kundi katotohanan lang!" Kasalanan mo naman pala eh!" Sabi ng nanay sa anak niya. Ngumiti lang ang gaga. Umuwi rin mga magulang nya. Kinuha ng babae lahat ng gamit ko at mga papeles sa hayskol at vocational course ko at sinunog. Tapos nag laslas ng pulso. Kasalanan ko ang lahat!

Mabuti at di namatay ang babae. Nadala siya sa General Hospital. Na trauma ako. Sinisi ko sarili ko. Ba't kasi nagpadala ako sa kantyaw ng mga helper ko. Pero alam kong ang pakasalan siya ay hindi solosyon sa isang pagkakamali ko. Dise otso lang ako at beynte uno yong babae. Bumalik pa rin sa trabaho ang babae pagkagaling sa hospital na parang walang nangyari. Pangiti-ngiti pa. Sinunog na niya lahat gamit ko at nag laslas na siya, may gana pang ngumiti! Di kaya kwento-kwento lang niya na ginapang siya ng boss namin? Ewan ko. Basta, hindi na ako lalapit sa sinumang babae. Ayaw ko na!

Umalis din ako doon at nag hanap ng ibang trabaho. Masamang masama ang loob ko. Isa akong bad boy. Ayaw ko nang lalapit sa mga babae. Marami pa akong dapat gawin sa buhay. Magiging good boy ako hanggat di ako naging Engineer o kaya attorney. May pangarap din ako kahit papaano. Hindi kasama doon ang pag-aasawa ng maaga. Ayaw kong magkaanak ng isang tulad ko na lubog sa kawalan ng pag-asa.

Pero may nagbago sa aking pagkatao. Malaking pagbabago. Isa na pala akong ganap na binata. Dapat ay maingat na ako sa pakikitungo sa mga babae may gusto man ako o wala, maganda man o pangit. Nalaman kong sa isang maling galaw o pagkakamali ay pwede akong makabuntis o maka sira ng pangarap ng isang babae. Hindi na ako bata na basta-basta na lang tatabi o sisiksik sa sinumang babae. Hindi na rin ako makikinig sa mga kalokohan na ibinubulong ng kahit sino-sino. Kaibigan ko pa naman ang babaeng yon. Pero sa isang iglap ay naging mortal kaming magka-away!

Ang hirap pala ng walang kang masumbongan o walang taong umaalalay sayo. Ilang kabataan kaya ang tulad ko ang napapabayaan sa mga ganoong bagay na seksuwal na walang tamang gabay mula sa mga taong tunay na nagmalasakit? Ewan ko lang, pero isa na ako doon.

Lumipat din ako ng trabaho bilang isang delivery driver sa may Philam Village ng West Avenue Quezon city.

- END OF PART 6

No comments:

Post a Comment