Sunday, September 21, 2014

ANG PROBINSYANO 8th Chapter (Drayber na Waiter)



Nakitira ako sa kaibigan kong si Rey Bajamonde doon sa Alabang. May kalayuan ang Alabang mula sa sentro ng Metro Manila. Hirap ako sa paghahanap ng trabaho dahil malayo-layo rin ang bibiyahiin paroo't parito. Nahirapan din akong makahanap ng Driver-Mechanic na posisyon dahil sa mura kong edad. Dise-nwebe lang ako pero ang edad na hinahanap sa mga dyaryo ay beynte singko anyos pataas. Masyado pa akong bata para paniwalaan na isang totoong Driver-Mechanic.

Pero sa totoo lang, alam kong meron na akong sapat na kakayahan upang makipagsabayan sa sino mang magaling na mekaneko dyan. Maraming taxi ang nabuo kong mag-isa sa Rocalex Taxi at marami akong na trouble shoot na taxi doon araw-araw. Nong nasa kay attorney Figueroa naman ako ay limang sasakayan ang binuo namin ni Obet at ako ang nagme-maintain ng repair sa lahat ng iyon. Alam ko mula gulong, brake system, axle, differential, propeller, transmission, clutch system, starter hanggang karborador, injection pump, alternator, radiator, timing belts, baterya, steering system at electircal system ng sasakyan. Ang di ko na lang nagawa ay ang mag overhaul ng makena.

Alam ko rin na kaya kong makipag sabayan sa kahit sino mang drayber dyan. Nalibot ko na boong Metro Maynila dahil noong truck helper pa ako sa Malabanan ay kahit saan lakad namin. Nang naging truck dilevery driver ako ng balik bayan boxes ni attorney ay boong Metro Manila din ang nahalughog ko. Nang maging dilevery driver ako ng American Foods sa Quezon City ay boong Maynila rin ang rota ko. Alam ko na mula Bulacan, Valenzuela, Caloocan, Malabon, Quezon City, Marikina, Rizal, Taguig, Pasig, San Juan, Maynila, Makati, Paranaque, Alabang, Las pinas, Cavite, Laguna at iba pa. Napuntahan ko na rin malalayong probinsya ng halos boong Luzon. Hinog na ako. Pero bata parin ako. Wala pang bigote, payat, makinis pa mukha at mukhang walang kamuwang-muwang sa buhay.

Ang hirap pala mauna sa edad mo. Wala pa ring maniniwala. Kahit anong ahit na gawin ko ay ayaw parin tumubo ng bigote ko. Meron lang akong konting bigote sa gilid pero wala sa gitna. Para akong batang si Mr. Shioli sa karakter ng komedyanting si Mr. Urbano sa pelikula. Para daw akong hipon na may dalawang mahabang bigote sa gilid ng bibig, kantyaw ng kaibigan kong si Rey. Disperado na ako. Ubos na ipon ko at isang buwan na rin akong walang trabaho.

Kaya sumulat ako sa Ate Adalia ko sa Cebu at nang hingi ng pera. Madrama ang sulat kung iyon upang lakihan niya ang bigay na Pera. Doon ko unang nalaman na may talento pala ako sa pasusulat ng drama. Wala pang ilang araw ay may dumating na pera galing sa Cebu. Limang daang piso! Isang sulat lang yon. Ano kaya kong padalhan ko ng madramang sulat ang Presidente, mga Senador, Congressman, Gobernador at Meyor? Siguro hindi lang limang daan ang peperahin ko. Hindi naman siguro sila mahihinayang na bawasan konti ang kick-back nila sa pork barrel. Sayang di ko ginawa yon.

May pera na ako! Limang daan mula sa ate ko! Bili agad ako ng dyaryo. Merong nag wanted "driver-mechanic 22 anyos pataas" sa Vito Cruz lang, malapit sa Taft Avenue pa rin. Kabisado ko ang lugar na yon. Doon ako natututong magmaneho sa may La Salle kung tutuosin. Pumunta ako doon ng alas otso ng umaga. Mahigit dalawang dosena na aplikanteng drayber mechanic ang nauna sa akin. Mula edad beynte sinko anyos hanggang singkwenta anyos ang nan doon. "Ilang taon ka na ba totoy?" Tanong ng isang kwarenta anyos na driver sa akin. "Beynte tres po" pagsisinungaling ko. Ako parin ang pinakabata sa lahat kahit dinagdagan ko na ng apat na taon edad ko. Sobrang bata pa talaga ako. Gusto ko nang umalis. Naisip ko wala akong tsansang matanggap sa dami ng aplikante.

Part 2

Pero di natuloy ang alis ko. Umupo nalang ako sa tabi ng mga kapwa ko aplikante at nakinig sa pahabaan ng ihi at pa-gwapohan ng mayayabang na Drayber Mechanic. Meron isang nag kwento na Army General daw boss nya at siya ang drayber. Naranasan na daw nya habolan, barilan at mga nakakatakot na engkwentro sa daan. Meron namang isa na desente at maporma. Sabi nya drayber daw siya ng isang German diplomat at asul nag kulay ng plaka ng kanyang minamaniho. Kahit red right, No U turn, over speeding at iba pa ay hindi sila pwedeng hulihin ng sinumang pulis. Bansa na daw kasi ng Aleman ang loob ng kanilang sasakyan. Ano daw? Ah basta, hindi sila pwedeing hulihin. Tapos! Naaliw ako sa kwentohan. Wala ako sa kalingkingan ng kanilang mga karanasan.

Mayamaya pa ay dumating ang may-ari ng Catering at kinuha mga bio-data namin. Ayaw ko sanang ibigay an bio-data ko dahil sayang lang. Sigurado akong imposible akong matanggap. Ngayon pa na narinig ko na mga abilidad ng mga magiging kompetisyon ko sa trabaho. Pero binigay ko pa rin. "Pila ray palad sa unggoy" ika nga sa bisaya. Bumalik daw kami ng Ala-una ng hapon para mag drive test. Umalis kaming lahat. Ang iba nag si-uwian. Ang iba bumalik sa kanikanilang mga trabaho. Marami sa aplikante ang mayron pang trabaho at palihim na nag-a-apply. Ako, hindi ako pweding umuwi kasi sobrang layo ng Alabang. Wala rin akong trabaho. Kaya pumunta na lang ako sa Harisson Plaza Mall na malapit lang sa Vito Cruz.

Kumain ako at nanood pa ng sine. Siguro kung nalaman ng Ate ko na pinanood ko lang ng sine pera nya ay tiyak binatukan ako. Mag-a-alas dos na ng hapon natapos ang sine. Ang sarap maglakwatsa. Opps! Meron pa pala akong drive test sa Vito Cruz! Baka tapos na silang mag drive test. Wala na man akong kapag-a-pag-asa doon. Pero saan naman ako pupunta? Kaya pumunta na rin ako sa pinag-a-aplayan ko. Dalawa na lang ang di pa na drive test na aplikante ng dumating ako. Pangatlo ako at panghuli. Iba't ibang kwento narinig ko sa mga aplikante. May isa namatayan ng makena, ang isa inagawan ng manibela ng may-ari dahil di raw marunong. Karamihan sa kanila ay okey daw ang takbo nila. Marami sa kanila ay kumpyansa na sila ang pipiliin ng boss. "O, sino pa ang hindi nakapag drive test dyan?" Tanong ng boss. Itinaas ko kamay ko ng alanganin. Tinulak ako nong isa sa likod na bisaya rin. "Subukan mo! Walang bayad yan!" Pabiro ni kababayan.

Lumapit ako at sumakay kami sa isang Asian Utility Vehicle o AUV type na sasakyan. Isang 4BA1 Diesel na makina na surplus ng Japan.Gawa sa pinas ang katawan ng sasakyan na "Castro" ang tatak. Nakita kong hanggang kenta ang kambyo. Tinapakan ko ang clutch upang tantyahin ang tigas o lambot sa pagtapak ng lever at laro ng taas at lalim nito. Mukhang okey naman. Tama lang ang timpla. Ganun din ginawa ko sa brake at selinyador. Sanay ako sa pagmamaneho ng mga siraing sasakyan kaya alam ko timplahin ng tamang tama ang clutch, preno at gasolinador. Mukhang okey lahat. Tiningnan ko side mirrors at inayos para kitang kita ko ng maayos bawat gilid sa may likoran. Manebila nalang ang di ko tiyak at malalaman ko yon pag tumakbo na kami.

"O sige, punta tayo ng Harisson Plaza" sabi ng boss. Meron kaming kasama sa likod na pinsan ng boss. Silang dalawa ang pipili ng pinaka magaling na drayber-mechanic sa dalawang dosenang aplikante. Nagmaneho ako papuntang Harisson Plaza habang nagkukwentohan kami. Saan daw ako dati nag trabaho? Ano-anong sasakyan menamaneho ko at saan ako natuto mag mekaneko? Napag-usapan din namin dati kong boss na si attorney Figueroa na kilala pala nya. Maayos takbo ko. Di mabagal at di mabilis. Pero maingat akong mag preno. Tinuroan ako dati ni attorney paano mag preno na hindi naaabala ang pagbabasa nya ng dyaryo habang tumatakbo ang sasakyan. Hindi rin ako naligaw sa mga short-cuts papuntang Harisson dahil teritoryo ko yon dati.

Natapos din ang drive test ko na walang banggaan, habolan o huli-dap. Isang napaka-ordinaryong drive test na ginagawa ko palagi bilang isang mekaneko. Pinaghintay kaming lahat ng matagal habang nagmumuni -muni ang boss at pinsan kung sino ang magwawagi. Tahimik lahat ng aplikante. Lahat kinakabahan. Pero hindi ako. Alam kong sa edad palang ay dehado na ako. Kaya relax lang si Henry Schumacker.

Umabot mahigit isang oras bago lumabas ulit ang boss. "Sino ba sa inyo si Ernesto Abines Jr.?" Tanong ng boss. Tinginan lahat kung sino yon. "Ernesto Abines Jr.!" Medyo may halong sigaw na pag ulit ng boss. "Parang pangalan ko yon ah" Naisip ko. Sa hayskol ko pa huling narinig totoo kong pangalan. Ang sagwa palang pakinggan. Tumayo ako. "Bakit po?" Tanong ko. Baka may kulang na requirements lang siguro ako. Hindi kasi ako nag sumbit ng NBI clearance, bio data lang. "Ikaw ba si Ernesto Abines Jr.?" Panigurado ng boss. "Ako po." Mahina kong sagot. "Ikaw napili ko." Sabi ng boss at saka hinarap lahat ng aplikante. "Pwede na kayong umuwi. Maraming salamat." Ano daw?

Ako ang napili! Di ako makapaniwala! Paano nangyari yon? Gusto ko sanang tingnan sa mata yong mga mayayabang kaninang umaga. Gusto kong itanong sa kanila bakit ako at hindi sila napili. Hanga pa naman ako sa kanila. Muntik na nga akong umatras. Pero ayaw nila akong tingnan. Yong mga mababait at tahimik lang na aplikante ang tumingin sa akin. Masaya sila na ako ang napili. Lalong-lalong na si kababayan ko na tumulak sa akin para mag drive test. Mula sa tahimik na grupo ang napili. Talonan ang mga mayayabang. Yehey! Nang umalis na silang lahat, saka lang ako kinabahan. Paano kung nagkamali lang ang boss pag bunot ng biodata at pag tawag ng pangalan? Naku po!

Part 3

"Ano ba naman yan Maning! Bakit batang-batang driver ang kinuha mo!" Reklamo ng asawa ng bago kong boss. Siya si ate Lydia. Maganda, maputi at may kasungitan. Pero mabait siya pagnakilala mo ng husto. Anong batang-bata? Beynte tres anyos na yan!" Depensa ni kuya Maning sa akin. Tahimik lang ako. Paano pag nalaman nila ang tutuo na dise nwebe lang talaga ako? Tiyak kakaladkarin ako ni ate Lydia palabas!

Meron pala silang Garments export business sa loob ng compound. Di bababa sa kwarentang mananahi sa tantya ko ang nandoon sa loob. Meron din silang Canteen sa Strata 100 sa may Ortigas Center. At meron din silang Catering business. Ako ang magiging driver nila. Dalawang libo at liman daan magiging sahod ko buwan-buwan at stay-in ako. Okey na okey yon para sa akin!

Marami kaming bisaya sa mga tauhan ni kuya Maning. Gustong-gusto daw niya ang mga bisaya dahil mababait at masisipag. Tutuo naman. Binilhan pa ako ng folding bed ni Kuya Maning. Inggit mga kapangpangan sa akin na mga lalaking tauhan nila. Pinagbutihan ko lang trabaho ko para wala silang masabi.

Alas syete ng umaga ay nag hahatid ako ng pagkain sa Canteen doon sa Ortigas. Balik ako agad sa opisina upang ihatid ang dapat ihatid ng mga tela sa ka ilang patahian. Wala pang isang buwan ay humanga sila sa sipag ko. Wala akong kapalpakan at alam ko agad lahat ng mga destinasyon na kailangan puntahan. Nagustohan din ni ate Lydia ang style ko sa pagmamaneho, maingat pero di mabagal. Katamtaman lang. Ni minsan ay hindi nila nakitang naligaw ako sa daan o nakabangga. Nagtiwala rin si ate Lydia sa akin. Madalas na rin siyang umuwi sa probinsya nila sa Nueva Ecija na ako ang nagmamaneho kasama mga anak niya na puro babae. Para na ring anak ang turing ni ate Lydia sa akin. Binibiro nya ako palagi. Pero tahimik lang ako. Ayaw kong lumaki ulo ko sa kabaitan niya. Pero ramdam lahat ng mga kasamahan ko na paborito ako ni ate Lydia. Mabilis ako sa mag-isip at may diskarte. Malapit na rin ako a mga anak nya.

Minsan kinausap ako ni ate Lydia kong gusto ko rin bang mag waiter sa kanilang Catering business pag gabi. "Oo" ang sabi ko. May dagdag akong isan daan sa paghatid ng pagkain sa Catering at meron pa akong dalawan daan bilang waiter. Ano pa ba hahanapin ko? Masayang -masaya ako sa trabaho ko at kaibigan ko lahat ng tauhan nila. Sadyang magaling ako makisama. Wala kasi akong maipagmamalaki sa buhay kundi ang aking pakikisama.

Isa lang talaga ang problema ko. Ang daming babae sa paligid ko. Sadyang di maiwasan ang tukso. Maraming magaganda sa tahian at marami rin sa canteen. Alam kong maraming nakamatyag sa kilos ko kaya pa simple lang talaga ako. Minsan pinag sabihan ako ni ate Lydia na ingat-ingat din ako sa pagsama ng mga babae baka mapikot ako ng wala sa oras. Pag nasa probinsya nila kasi kami ay inaaya ako ng mga mananahi nyang taga doon din na mamasyal kong saan. Masarap pakiramdam pag may amo kang nagmamalasakit.

Isa lang ang naging mali ko. Nanghingi ako ng dagdag sweldo sa maling paraan. Sumulat ako sa kanya sa lahat ng reklamo sa englis. Mali-mali yata ang pagka englis ko kaya nagalit siya! Ang dami ko raw reklamo samantalang binigay na nya lahat makakaya para lumaki pa kita ko. Tama siya. Mali ako. Pero huli na. Masamang kalaban si ate Lydia. Nag deklara siya ng World War 3 sa akin. Napaalis ako ng di oras! Ayaw ni kuya maning na umalis ako pero "all out war na si ate Lydia sa akin". Paalam masasayang araw!

Naghanap ako ng bagong trabaho. Ini-rekomenda ako ng pamangkin ni kuya Maning sa isang kakilala. Patuloy ang buhay ni Botsoy...buhay na walang katiyakan.

-END OF CHAPTER 8

No comments:

Post a Comment