Dise saes pa lang ako noon ng mapadpad sa Maynila. Kaga gradweyt ko lang ng hayskol galing sa maliblib na probinsya nang Surigao del Sur. Walang trabaho tatay ko. Nakatapos ako ng hayskol sa kabila ng katakot-takot na gutom na dinanas. Kinuha at pinag-aral ako ng aking tiyuhin na taga Maynila. Nag -enrol ako ng isang taon na bokasyon bilang isang mekaneko. Sa Pasay ang bahay ng aking tiyuhin at sa Quiapo na man ako nag-aaral sa gabi doon sa Guzman Institute of Technology.
Isang daan ang budget ng pamasahe ko isang buwan. Tres singkwenta pa dati ang pamasahe noon mula pasay hanggang Quiapo kaya syete pesos isang araw ang pasahe ko. Wala pang dalawang linggo ubos na budget ko. Hindi ako nanghingi ng dagdag na budget sa uncle ko dahil nahihiya ako. Alam kong hindi niya obligasyon ang pakainin at pag aralin ako. Tama na para sa akin na may natitirhan ako at may kinakain araw-araw. Ayaw kong dagdag pabigat. Kaya sinubukan kong lakarin ang may walong kilometro mula Pasay hanggang Quiapo sa pangatlong linggo. Di ko kinaya. Sobrang gutom at pagod ang dinanas ko!
Di ako pumasok sa pang-apat na linggo. Kunyari lang na pumasok ako pero ang tutuo, nagpalaboy-laboy lang ako boong pasay at umuuwi na lang sa oras ng uwian ng klase. Natapos din ang isang buwan. Binigyan ulit ako ng tiyo ko ng budget kong isang daan. Pumasok na ulit ako sa klase ko. Pag dating ng dalawang linggo ubos na naman! Palaboy-laboy ulit ako ng dalawang linggo hanggang mabigyan ulit ng budget.
Pangatlong buwan, nag-isip ako. Paano ba ito? Wala akong planong di taposin ang bokasyon ko. Yon lang ang tangi kong pag-asa upang maka angat sa buhay. Kaya sinubukan kong sumakay ng dyip na di nagbayad. Takot na takot noong una. Baka hatawin ako ng dyipney drayber pag nahuli akong di nagbayad. Buti na lang hindi uso ang kondoktor sa Maynila. Natapos ang isang linggo na hindi ako nabuking o nahuling di nagbayad. Pagnapansin kong malikot at mapanuri ang mga mata na drayber ay agad-agad akong bababa sa oras na ito ay mag umpisa nang paharorot ng takbo at di na tumitingin sa likoran. Sa awa ng Diyos o kaya sa suporta ni satanas, hindi naman ako nahataw ng tubo ni minsan.
Pang apat na buwan ay dire-diretso na ang pasok ko sa klase. Ako ang palaging nangunguna sa exams sa boong batch namin at mga drawing at projects ko sa electrical lay-outs ang pinaka gusto ng titser namin. Mga klasmet kong may trabaho ay lumalapit sa akin upang gawan ko ng projects. Sampong piso ang bayad bawat drawing. Wow! Ang sarap ng buhay. Ang sarap bumili ng matitigas at nakakabusog na tinapay! Hindi pa uso ang mineral water dati kaya higop lang ng higop sa gripo ng walang bayad! Busog na busog ako palagi! Di tulad noon sa probinsya na walang-wala. Pagwalang klase ay diretso ako sa sine na doble program. Minsan nililibre pa ako ng klasmet kong mahilig mangopya sa akin. Ang talino ko daw!
PART 2
Nakaraos din ako sa awa ng panahon. Nang malapit nang matapos ang isang taon kong kurso, isa ako sa mga panlaban sa boong klase sa departmental ranking sa mahigit tatlong daang estudyante. Ang magiging top 10 daw ay kukunin agad ng kompanyang General Electric at Mercedes Benz. Meron doong sulat ang dalawang malalaking kompanya na naka display sa bulletin board. Dapat mag top 10 ako!
Dalawang klase ng pagsubok ang gagawin namin sa departmental ranking. Written examination at practical examination. Nag -aral talaga ako ng husto. Abot hanggang tenga ang ngiti ng titser ko ng ako ang nanguna sa written examination sa gradong 93.5%! Ang pumangalawa ay 88% lang. Ang layo ng agwat. Hiyawan buong klase namin sa gabing iyon.
Pero mayron pang isang pag subok, ang practical examination. Dapit ay paandarin namin ang isang makenang diesel na Mercedes Benz. Wala akong karanasan sa makena! Kinabahan ang titser ko. Kinausap niya ang in-charge ng laboratory na papasukin ako isang gabi at tingnan ang tatlong makina na pweding gamitin sa practical examination. Pinag aralan ko ng husto ang disign at timing ng fuel injection pump ng tatlong makena. Nahirapan talaga ako.
Dumating nag araw ng practical examination. Ako ang panghuling mag paandar ng makena. Lahat ng aking mga katungali ay napaandar ang makena sa loob ng time limit na 5 minuto. Dumating ang turno. Tama ang titser ko! Isa sa mga makinang tiningnan ko dati ang ginamit sa pagsubok. Isang 4 cylinder model 1976 Mercedes Benz Diesel engine ang dapat kong paandarin sa loob ng 5 minuto. Ang problema, hindi ko pa nasubukang magpaaandar ng makina na ako mag-isa ang mag kabit ng injection pump. Dese syete anyos pa lang ako noon at walang karanasan kundi ang mag igib ng tubig, mag sibak ng kahoy, magtanim ng kamote, saging at akmoteng kahoy. Kaya nga "Probinsyano" ang tawag sa akin ng titser at mga kaklase ko.
PART 3
"Ready... start!" Iyon ang hudyat ng proktor sa akin upang umpisahan kong ikabit ang injection pump sa makina. Hindi ko agad binuhat ang injection pump. Ginalaw ko muna ang fly-wheel ng makina upang gumalaw ang lahat ng balbola sa ibabaw nito. Ito ang paraan ko upang malaman ang actual firing position ng buong makina. Nalaman kong Cylinder number 1 ang nasa power stroke. Tiningnan ko ang position ng plunger ng injection pump at nakitang tamang -tama lang nakaposisyon sa injecting point ang plunger no. 1. Sigawan ang mga kaklase ko at titser ko bakit daw di ko agad ikinabit ang injection pump.
Kaya binuhat ko agad at ikinabit ang injection pump sa makina at pinihit lang ito ng kunti sabay higpit ng mga bolts. Natapos ko yon sa isa't kalahating minuto. Tatlong minuto ang pinakamabilis na record na nauna sa akin. Biniro ako nga isang professor na sigurado ba daw akong nasa timing nag injection pump at makina na wala man lang akong pinihit. Tawanan ang lahat maliban sa akin at ang titser ko. Nagtinginan kami. Mukhang takot na takot siya. Ako ang kanyang pambato at nakakahiya pag hindi umandar ang makina. Pero huli na ang lahat. Di ko na pweding suriin ang makina dahil pinatay na ang oras ko.
Pinalabas na ako sa kordon kung saan naka posisyon ang makina at lumapit ang isang proctor upang itoy paandarin. Umupo ako sa tabi ng titser ko. "Bakit ka nagmamadali?!!" Galit na bulong ng titser ko. "Meron kang limang minuto para siguradohin na tama nag ginawa mo. Kahit ubusin mo ang lima minuto ikaw pa rin ang Top 1 basta't umandar lang nang maayos ang makina." Sising-sisi ako nang marinig yon. Tama ang titser ko. Mahirap habolin ang score ko sa written exam. Kailangan ko lang paandarin ang makina sa loob ng limang minuto at ako pa rin ang magiging no. 1 at maging Gold Medalist sa batch namin. "Ang bobo ko!" Siga ko sa sarili.
Pinihit ng proctor ang susi at : "BRROOOOOOOOOOOOOOOOOOM!!!" Sigaw ng makina. One click lang! Walang back fire! Sigaw ng proctor "Perfect timing!" Sigawan mga kaklase ko! Si probinsyano nag no. 1 at gold medalist!
Masaya ang lahat... pero hindi ako. Aanhin ko ang pekeng gold medal? Aanhin ko ang no. 1 ranking? Hindi rin ako pwedeng magka trabaho sa Mercedez Benz o sa General Electric dahil isa pa akong minor de edad. Doon kami nag graduation rites sa malaking Araneta Colleseum. Isa ako sa mga nakaupo sa entablado bilang no. 1 sa aking mekanikong kurso kasama ang mga no. 1 students sa iba't ibang kurso. Nandoon din si Senator Jovito Salonga at ang bagong sikat na si Andrew E. kasama ko umupo sa stage. Hindi ko nadama ang saya noon. Walang halaga ang medalya, walang halaga ang ranking. Wala pa ring trabaho ang "probinsyano".
- THE END
By: Jun Abines
No comments:
Post a Comment