Sunday, September 21, 2014

ANG PROBINSYANO 5th Chapter (Mekanekong Bilanggo)


Masayang-masaya ako sa liman daan na bigay sa akin nang magandang babae. Siguro nga tutuong anghel siya na nagpanggap lang na kleyente. Sobra ang kanyang ganda, matamis ang kanyang ngiti pero di ko matitigan ng deretso. Yuko lang ako ng yuko habang nakatingin siya sa akin na nagtatrabaho boong gabi. Pero tandang-tanda ko ang kanyang mukha, ilong, hugis ng mata, ang labi at buhok. Siya ang palagi kong naiisip kinabukasan na para bang pinapaalala sa akin ang kanyang mensahe na maghanap ako ng ibang trabaho. Ang ganda nya at ang bait! Crush ko siya. Meron kayang babaeng ganun kaganda ang magkagusto akin? Ang sarap mangarap.

Nang hapon ding iyon ay bumili ulit ako nang Manila Bulliten at tumingin sa Job Advertisement. Naghanap ako ng trabahong mekaneko. Meron naman akong nakita, doon sa Rocalex Taxi sa may Kamuning, Quezon City. Pumunta ako doon kinabukasan at tinanggap agad ako! Helper Mechanic daw muna ang posisyon ko at stay-in ako. Pwede na raw akong mag report kinabukasan at dalhin mga gamit. Tuwang tuwa ako dahil magagamit ko rin ang napag-aralan ko. Umuwi ako sa tinutuloyan kong opisina ng Malabanan sa Makati at nag impake ng gabing iyon. Umalis ako ng madaling araw at di na nagpaalam. Ayaw kong pigilan pa ako. Tama na rin ang hirap na dinanas ko sa trabahong iyon.

Nag report agad ako sa talyer ng Rocalex taxi bitbit ulit ang bag na marumi at lumang-luma. Kinausap ako ng mismong may-ari ng taxi. Siya si mam Purificacion. Mga singkwenta anyos na, maputi, mapulapula ang buhok at kumikintab sa alahas na ginto. Malumanay siyang magsalita. Doon daw muna ako i-a-assign sa malaking talyer nila na malapit sa Anguno, Rizal. Sumakay kami ng kotse kasama siya at isa pang bagong pasok na mechanic helper din. "Dahil Gold medalist ka ng Guzman Institute of Technology, ipapares kita sa pinaka magaling na mekaneko namin na si Aga. Bisaya din siya tubong Naga, Cebu" sabi ni mam Purificacion. "Isa lang ang hihilingin ko sa iyo, huwag kaagad umalis sa trabaho kung nahihirapan ka doon. Ipaalam mo muna sa akin para masolusyonan natin." Walang akong sagot kundi "Opo".

Dumating kami sa isang talyer na napakalawak at punong-puno ng mga sirang kotseng sasakyan na Isuzu Gimini na galing pa ng Japan. Mga tatlong ektarya ang lapad ng talyer. Doon binuboo ang mga taxi ng Rocalex na mayroong higit sa limang daang taxi ang tumatakbo sa Metro Manila. Una ay inu-overhaul namin ang mga makina. Tapos ang katawan ng mga sirang sasakyan ay bubuoin ng mga latero at doon ikakabit ang makina at pipinturahan.Tapos isa na ako sa magkompleto ng mga iyon hanggang makatakbo. Ibig sabihin isa ako sa magkakabit ng starter, radiator, alternator, manebela, brake system, clutch system, fan belts, timing belts, tambotso at iba pa.

Apat na raan lang ang sweldo ko isang buwan. Halos walang day-off. Libre kain pero galonggong lang at pinakulaang sitaw lang ang ulam boong araw, boong linggo, boong buwan at boong taon! Pag nawala mo ang liyabe o 'wrench' na ibinigay sa iyo ay ikakaltas yon sa sweldo mo. Umabot ako ng dalawang buwan doon na di nakatikim ng sweldo dahil ninanakaw ng kapwa ko helper ang 'wrench' ko. Ako pa ang may utang sa kompanya. Karamihan sa mga nag tatrabaho doon ay minor de edad na mga Bisaya at Ilocano. May narinig akong isa daw si Joan Ponce Enrile ang may-ari ng Rocalex Taxi. Ewan ko lang. Gusto kung mag reklamo kay mam Purificacion sa sweldo ko pero di raw makontak sabi nong isang estriktang ilokana sa opisina. Ha hay, Buhay!

Part 2

Nakaboo rin ako ng may apat taxi doon. Natoto rin akong mag side line. Pag may mga taxi driver na may reklamo sa kanilang unit ay ginagawa ko iyon ng walang job order at mabilisan. Nagbibigay ng tip ang mga taxi drayber dahil gusto nilang maka biyahe kaagad at kumita. Sa awa ng Diyos ay nakatikim din ako ng soft drinks matapos ang dalawang buwan. O kay tamis... o kay lamig... at walang kasing sarap ang Coke, Sprite at Royal Tru-Orange pag may nag tip sa akin!

Nakakain na rin ako ng ibang ulam na nabili ko sa labas. Yan ang batang may diskarte. Pag merong taxi na dumating ay parang ginto iyon sa aking paningin. Anghel naman ang tingin sa akin ng sino mang taxi driver na aking malapitan. Di ko trabaho ang trouble shooter, nag trouble shoot ako pag mahaba ang linya ng may sirang taxi.

Minsan pinatawag ako sa opisina. Akala ko may kasalanan ako. Seryoso ang mga taga opisina na nakatingin sa akin ng umupo ako. Pero di na man sila galit sa tingin ko. "Huwag kang mabigla" tugon ng kalbong lalaki. "Umuwi ka sa inyo dahil may namatay daw." Mahina niyang sabi. Di ko agad iyon naintindihan. Ano bang ibig nilang sabibin? Wala naman akong pamilya dito sa maynila. Binigyan nila ako ng syento singkwenta bilang advance daw sa sweldo ko. May utang pa raw ako sa kompanya. Ang kapal! Ako pa itong nag trabaho at nag hirap ako pa ang may utang! Sarap tadyakan mga mukha nila! Tinanggap ko ang pera at nag day off ng dalawang araw.

Kaagad akong tumawag sa uncle ko. "Tinakot ko lang sila na may namatay para makontak kita. He he. Yong aso ng kapitbahay namin dito ang namatay. Ha ha ha! Nasa probinsya pala trabaho mo at nag ala-ala na ako ilang buwan ka na di tumawag" paliwanag ng uncle ko. May diskarte talaga uncle ko! Nag-iiwan ako palagi ng number o address ng trabaho ko sa kanya. Kung saka-sakaling matigok ako, alam niya kung saan ako hahanapin. Pero ang sarap pala ng pakiramdam na may nag-alala sa'yo. Meron pala akong halaga, napag-isip isip ko.

Masaya akong lumusong ng Maynila. Umuwi ako sa uncle ko at natulog doon ng isang gabi. Marami siyang tanong. Lahat ng sagot ko magagandang balita lang. Sa akin na lang iyong madrama at madamdamin kong mga karanasan. Balang araw ay isusulat ko yon at gawing pelikula. Malay natin doon ako yayaman. He he. Di pa kasi uso ang 'Maalaala Mo Kaya' ni tita Charo noon. Kinabukasan ay bumili na naman ako ng news paper upang maghanap ng trabaho. Meron akong nakitang wanted "stay-in helper mechanic" malapit sa may Taft Avenue sa La Salle. Pinuntahan ko agad yon. Magpapasko sa mga panahong iyon. In-interview ako ng mekaneko na si Obet at ni Atty. Figueroa sa aking karanasan. Nagyabang ako na gold medalist sa Guzman at mekaneko ng Rocalex Taxi.

Bilib si Obet at attorney Figueroa sa resume ko. "Magkano ba sahod mo doon?" Tanong ni Attorney. "Isang Libo po." Sinungaling kong sagot. "Naku! Ang mahal naman pala!" Sabi ni Obet. "Kung gusto mo, umpisa ka muna sa walong daang piso at pag dating ng tatlong buwan dadagdagan natin pag nagkasundo tayo." sabi ni attorney. Ano daw? Walong daang piso? Wow doble agad sahod ko! "Payag po ako" mahina kong sagot. "Nalalayuan na po kasi ako sa Anguno Rizal habang ang uncle ko nasa Pasay lang." Paliwanag ko. Totoo naman yon. Bumalik daw ako kinabukasan upang mag umpisa. Oh la la! May trabaho na naman akong bago at mas malaki ang sweldo, doble! Siguro masarap din ang kain ng stay-in nila dahil mukhang malaki tyan ni Obet. Sana nga masarap ang kain sa kanila, sekreto kong hiling.

Part 3

Bumalik ako sa talyer ng Rocalex taxi. Kunyari balik ako sa trabaho. Pero meron na akong plano. Gagawa ako ng isang makakasaysayang pag puga doon sa talyer na dala dala ang gamit ko. Mahigpit ang gwardya ng talyer walang basta-bastang nakakalabas doon ang sinumang helper na tulad ko ang may balak lumayas na may utang pa. Para kaming mga bilanggo doon. Marami na sa kasamahan ko ang nahuling pumuga. Pero hindi ako, dahil isa akong matalinong matsing.

Inimpake ko lahat ng gamit at damit ko na maayos at malinis pa. Lahat ng may langis at marumi na damit at pantalon ay iniwan ko na. Konting gamit lang ang kailangan ko upang magtagumpay sa aking misyon na "The Great Escape!" Nagpaalam ako sa best friend kong si Jonas. Trese anyos palang siya at tubong Cebu. Dise otso naman ako. Mangiyak-ngiyak si Jonas nang malamang aalis na ako. Balikan ko raw siya. Sabi ko, titingnan ko. Pero hindi ako nangako. Mahirap na. Kung pwede lang talaga ay isasama ko siya. Ulila na si Jonas kaya sumama siya dito sa Maynila galing Cebu ng mga kaibigan niya. Si Jonas at ako lang ang nagkakampihan doon sa talyer. Masakit sa akin na iwanan siya. Pero sobrang bata pa si Jonas. Mahihirapan akong ipasok siya sa trabaho. "Paalam best friend. Ingat ka." Sabi nya.

Kinausap ko ang isang driver na nasiraan ng kanyang taxi. Naki pagsundo ako sa kanya na gagawin ko ang taxi nya pero tulungan niya akong ipuslit ang mga kayamanan kong nasa bag. Nag dalawang isip siya, mahigpit daw ang gwardiya. Sabi ko ako ang bahala. Kunyari lang i-da-drive test namin ang taxi nya sa labas para di na usisain ang likod ng taxi kung may laman at hindi muna ilista ang paglabas ng taxi nya. Pumayag din. Di na ako nang hingi ng tip sa driver. Sumakay ako sa harapan ng taxi na madungis at naka shorts lang para hindi magduda ang gwardya. "Tsip, samahan kong lang i-drive test ito. May nag-iingay daw sa ilalim pag mabilis na ang takbo, di pwede dito sa talyer" sabay ngiti.

Tumitig ang gwardya, masungit pa rin. Marumi ako at naka shorts lang. Naka ngiti pa. Walang naman sigurong nag e-eskapong nakangiti at marungis, naisip niya siguro. Di na niya binuksan ang likoran. Pero kung sinubukan niyang buksan, di niya kaya. Tinali ko yon ng alambre sa ilalim at sasabin naman ng driver na sira talaga yon at mahirap buksan. Pag nagpumilit ang gwardya, ako rin ang magsasabi sa gwardya na ako na magbukas at papasok kami ulit sa talyer dahil hindi pweding makaharang sa daan. Ako na rin ang kukuha ng bag at mag-"abort mission" na lang si Roger Moore. Ganun ang bida, may Plan B.

Nakalabas kami na di binuksan ang likuran. Tinanggal ko ang alambre at kinuha bag ko. Iniwan ko yon sa may tindahan. Bumalik kami ng talyer at ngumiti ulit ako sa gwardya. Masungit pa rin siya. Nakahinga ako ng malalim. Naligo ako ng madalian. Bago mag dilim ay nag paalam akong may bibilhin lang sa labas. Kaswal lang akong lumabas na walang dalang gamit. Lumingon ako sa huling pagkakataon. Good bye Rocalex Taxi! Good bye Jonas!

-END OF CHAPTER 5

No comments:

Post a Comment