Sunday, September 21, 2014

ANG PROBINSYANO 3rd Chapter (Bata sa Parkingan)



Tinanggal ako sa trabaho bilang billiard boy ng wala man lang abiso. Pinaalis din ako sa sa aking tinuloyang bilyaran noong gabing iyon kung saan ako nag-stay-in. Tatlong daan lang ang pera ko mula sa huli kong sweldo. Alsa balotan ang pinaka magaling na lider ng mga billiard boy. Ang kanilang pag-asang mai-angat ang sitwasyon ng trabaho. Wala silang kibo lahat. Ngumiti lang ako na parang walang anuman ang pagkatanggal sa akin sa trabaho. Ako pa! Matapang ako!

Pero sa tutuo lang, di ko alam ang gagawin ko. Ayaw kong ring umuwi sa bahay ng uncle ko na parang batang tumatakbong pauwi, umiiyak at talunan at magsusumbong kung paano ako inaway ng mga kalaro. Malaki na ako. Dise syete na. Binatang-binata na kung tutuusin. Hindi ako uuwing talunan. Tataposin ko ang laban. Pero saan ako pupunta? Saan ako matutulog?

Umalis ako bitbit ang malaking bag. Nandoon sa bag ko ang lahat ng aking kayamayanan sa buhay. Mga damit na walang laba, mga papeles ko sa highschool at gintong medalyang di pwedeng ibenta. Palakad lakad ako sa may tabi nang Claro M. Recto na parang turista. Doon sa may unahan ng U.E. ay huminto ako at umupo sa tabi. Nag-isip ako ng malalim. Paano ba ito? Naabotan ako ng alas-onse ng gabi sa aking pagmumuni-muni. Bahala na!

Pumunta ako sa parking lot na nasa harap mismo ng bilyaran na binabantayan ko. Maraming Jeep doon ang naka parking. Pumili ako ng isang malaking jeep na may magandang upuan. Iyon ang magiging tahanan ko sa darating na mga araw. Ginising ako ng andar ng makina. Dumating na ang drayber. Mag aa-alas kwartro pa noon. Kaya lumipat ako doon sa sirang jeep upang ipagpatuloy ang sarap ng tulog. Kinaumagahan, tahimik akong nagmasid sa mga gawain ng mga parking boy doon. Kilala nila ako, alam nilang natanggal ako sa trabaho kaya di nila ako pinaalis sa parking lot. Pangalawang araw ay tumulong akong maghugas ng mga jeep. Beynte Pesos ang bayad! Wow! Hindi ako magugutom nito.

Part 2

Umabot din ako ng isang linggo doon sa parking ng mapansin ako ng boss ng parking lot na si mang Jun. Bungal, mataba at palabiro si mang Jun. Pinsan nya ang dati kong boss bilyaran. Inaya nya akong kumain kasama ng mga tauhan nya doon mismo sa tabi ng parking lot. "Kumain ka dyan. Gamitin mo takip ng kaldero na plato" kumain ako ng sabay sa kanila na nakayuko sa hiya. Alam kong papaalisin nya ako sa parking lot pagkatapos kung kumain. Kaya dinamihan ko ang kain ko dahil alam kong malayong-malayo pa ang lalakarin ko sa araw na iyon pagkatapos kung kumain.

"Ano bang napag-aralan mo?" Tanong ni mang Jun. "Hayskol po at mekaniko na bokasyon" mahina kong sagot. "Marunong ka bang mag drive?" Ano bang tanong yan! Ba't di nalang kasi ako palayasin ng diretsahan katulad ng pinsan nyang adik! Sabi ko sa isip ko. "Konti lang po." Ang sinungaling kong sagot. "Marunong ka bang nga kwenta at mag bilang ng pera?" Tanong ulit nya. "Magaling po ako sa numero" ang mayabang kong sagot. Eh ano ngayon kung mayabang at sinungaling ako? Papaalisin din naman ako. "Gusto mo bang mag trabaho ng parking boy dito sa akin?" Hindi ko inasahan ang tanong na iyon. Nasa pinaka importanting Job interview na pala ako! Gusto kung tumalon sa tuwa. "Opo" mahina kong sagot. May trabaho na ako! Yehey!

Tatlong daang piso ang sweldo ko isang buwan. Libre kain, libre sabon, libre tubig. Hindi bawal umupo, hindi bawal magkwentohan, hindi bawal lumabas-labas. halos walang bawal kay mang Jun. Ako ang in-charge sa dalawa niyang telepono na pay phone sa Recto. Ako din ang in-charge sa buwanang bayad ng mga jeepney sa parking. Ang sarap maging amo si mang Jun. Para lang namin siyang kuya. Totoong mabait at masayahin na tao. Ayaw nyang tawagin ko ng "sir" o kaya "boss" "kuya Jun" lang ang tawag namin sa kanya.

Wala pang isang linggo ay pinatawag ni kuya Jun ang lahat ng tauhan niya sa isang meeting. Seryoso siya sa meeting na yon. "Tanong ko lang, bakit ng si Jun Bisaya na ang nagbantay ng telepono lumaki nag kita natin?" Ako si Jun Bisaya dahil dalawa kaming jun na tauhan nya. Lahat ng dating nagbabantay ng telepono ay tahimik at parang walang narinig. "Dati, nasa syento singkwento hanggang dalawang daan piso lang ang ini-remit nyo sa akin araw-araw. Pero ngayon tatlong daan pinakababa ang natatanggap ko!" May halong galit ang boses ni kuya Jun. Buking silang lahat! Bida na naman ako! Pero takot na akong maging bida. Alam kong may hindi magandang mangyayari sa akin sa darating na mga araw. Marihap kalabanin mga kapwa parking boy.

Part 3

Tama ang hinala ko, nag-iba ang pakikisama sa akin ng mga kasamahan ko. Isa daw akong sipsip. Kasalanan ko daw kung bakit pinag-iinitan sila ni Kuya Jun. Wala akong magawa kundi manahimik lang. Isa lang ang kasalanan ko, iyon ang pagiging hindi magnanakaw. Hindi ko kaya ang mangupit. Mahina ako sa ganyang bagay. Di ako patutulogin ng konsensya ko pag ginawa ko yon.

Ako na ang ginawang katiwala ni Kuya Jun sa pera. Madalas niya akong isama sa mga lakad nya kung saan kumakain kami nag pagka-sarapsarap na mga pagkain. Ang sarap ng buhay! Gusto nyang matuto akong magmaneho upang ako na raw ang kanyang personal driver. Mataas ang kanyang pangarap sa akin. Sa tingin ko, gusto niya akong gawing anak-anakan. Ingit ang inabot ng mga kasamahan ko sa akin.

Di naglaon, natanggap na rin ng mga kasamahan ko na ako na talaga ang Prinsipe ng kadiliman, este, prisipe ng parking lot. Ginawa ko lahat upang maibalik tiwala nila sa akin. Okey na okey na takbo ang negosyo ni Kuya Jun. Dinagdagan din nya lahat nang sweldo namin. Kahit bumango ako ng tulyoyan sa mga kasamahan ko.

Dahil sa gusto kong pag butihin trabaho ko, ipina sasara ko ang gate ng parking lot sa hating gabi dahil nalaman kong doon tumatakbo ang isang grupo ng tambay kung meron silang kalokohan. Nalaman kong sila ang mga nanghoholdap ng mga jeep na bumibiyahi ng Quiapo puntang Sta. Mesa. Doon sila nagkikita kita sa parking lot pagkatapos ng holdapan. May nakita pa akong granada minsan sa isang sirang jeep na iniwan nila doon sa takot na inaabangan sila ng pulis sa labas. Binalikan nila kinabukasan at isinuli ko naman.

May dalawang linggo ang lumipas mula ng ipasara ko ang gate pagsapit ng hating gabi ay tinawag ako ng boss ko. Binigyan niya ako ng sweldo ko at isan libo na dagdag. Umalis na raw ako agad sa parking lot. "Bakit po?" Usisa ko. "Titirahin ka raw ng grupo nina 'White'" Pabulong na may halong takot na sagot ni kuya Jun. Si "White" ang lider ng grupo. Siya rin ang kumuha ng gintong medalya sa bag ko. Siya ang gumagamit mga maong and t-shirt ko.

Inihatid ako ni kuya Jun palabas ng kanyang parking lot sakay sa kanyang owner type jeep. Wala na naman akong trabaho. Ang hirap maging bida. Palaging may matitinding kalaban. "Back to square one!" Ika nga sa englis. Saan kaya ako matutulog ngayong gabi? Bahala na...

END OF 3RD CHAPTER

No comments:

Post a Comment