Sunday, September 21, 2014

ANG PROBINSYANO 4th Chapter (Trak ng ebak)



Ang ganda na sana ng buhay ko bilang parking boy sa Claro M. Recto. Pero heto na naman ako nag lalakad sa lansangan bitbit lahat ng kayamanan ko sa buhay, ang maruruming damit at papeles sa hayskul. Nawala na ang 'ginto' kong medalya. Kinuha ng gagong si White. Iyon na lang sana ang pinaka kumikinang kong kayamanan. May kalakihan at may kabigatan din ang bag kong dala. Palakad lakad akong walang matinong direksyon hanggang sa dumating ako sa may LRT ng Sta. Cruz. Sa bigat na bag ko, napilitan din akong sumakay ng jeep papuntang Pasay.

Alam kong dadaan ang jeep ng sinasakyan ko malapit sa bahay ng uncle ko. Mukhang doon ang punta ko pero di ko pa tiyak. Ayaw ko paring sumuko. Ayaw ko pa ring umuwing talunan. Nang dumaan ang jeep sa may Luneta, nagliwanag ang aking paningin. Aha! Dito kaya ako magpalipas ng gabi? Mukhang ang saya saya ng Luneta. Maraming nagliliwanagang ilaw, may maraming nag e-eskeyting at nakakabighani malawak na paligid. Alas dyes na noon ng gabi. "Para!" Sigaw ko sa drayber sabay baba ng jeep. Nagbayad ako ng husto kaya malakas ang loob kong pumara. Di tulad nong nag aral pa ako ng mekaneko na hindi nakatikim ng isang sinkong duling ang mga drayber sa akin.

Lumapit ako sa may skeyting serkel at pinanood ang masasayang mga probinsyanong badoy na nag skeyt. Marami sa kanila ay bisaya. Marami sa kanila ay mga boy, maid, katulong, motsatsa, utosan, kargador, kusenero, helper at iba pa. Katulad ko sila, nakikipag sapalaran sa buhay. Pero ng gabing iyon, masaya sila. Ako malungkot. Walang trabaho. Buti pa ang pagong may bahay, ako wala. Buti pa ang aso hinahanap pag di naka uwi. Pero ako, heto walang tatay na nag hahanap. Ano kaya ang ginagawa ng tatay ko sa mga oras na iyon? Ewan ko.

Nakatulog din ako ng mahimbing sa may isang upuan nang gisingin ako ng pulis. Pinasakay ako isang sasakyan kasama ang mga nahuling lumabag sa "anti-loitering law". Ano daw? Ah basta hinuli kami, tapos! Punong-puno ng mga hinuli ang detensyon room ng station ng pulis sa may likod ng Grandstand sa Luneta. Bata, matanda, babae, lalaki, tomboy at bakla hinuli. Para kaming mga kriminal na nag siksikan sa maliit na selda. Alas dos na yon ng madaling araw.

"Mga alas tres mamaya dadalhin na kayong lahat sa camp crame. Kung gusto nyong mag pyansa, dalawang libo ang babayaran ninyo." Sabi ng isang pulis. Iyakan ang marami. Merong dalawang bakla at isang lalaki ang nag bayad at nakalabas. Mga alas dos y medya, anunsyo ulit ang pulis: "tatanggapin namin ang pyansa nyo kahit isang libo lang." Merong lima ulit ang nag bayad. Pag dating ng alas tres hirit ulit si Hepe: "Alam nyo, naawa talaga kami sa inyo, O sige, kahit liman daan lang makakalabas na kayo." May sampong nag bayad. Pag dating ng alas tres y medya "dalawan daan na lang!" Sabi ng malaking tyan na pulis. Halos lahat nag bayad. Hanggang sa dalawa na lang kaming natira sa selda. Pag dating ng alas singko ng umaga, pinalabas na kami, libre! Huwag na daw kami palaboy ulit sa Luneta. Tiba-tiba sila Hepe at SPO1! Ang lakas ng negosyo nila! Inggit ako.

Part 2

Nang umaga ding iyon, bumili ako ng Manila Bulliten newspaper upang tumingin sa mga job ads. Boy at helper lang ang trabahong hinahanap ko. Pweding truck boy, parking boy, house boy basta may salitang "boy". Pwedi ring truck helper, kitchen helper, house helper basta may salitang " helper". Iyon lang ang pwede kong pasukan kasi madali at walang kuskus balongos. At gusto ko rin ang mag stay-in.

Meron akong nakitang isang ad na sabi: "wanted truck helper" doon sa JP Rizal ng Makati tamang tama sa akin. Kaya pinuntahan ko iyon ng hapon ding iyon. Aba'y anong swerti nga naman, natanggap agad ako! "Pwede ka nang mag-umpisa bukas." Sabi ng tomboy na nag interview sa akin. Di man lang binasa ang biodata kung ibinigay. Stay-in daw ako sa opisina nila at pwede rin akong matulog sa mga truck nila. Di ko alam kung anong klaseng truck o anong karga ang hinahakot ng mga truck nila. Hindi na importante yon, ang mahalaga ay may trabaho na ako ulit at may matitirhan na ulit. Basta ang alam ko, Malabanan Septic Services ang kompanyang papasokan ko.

Maaga akong pumasok sa opisina kinabukasan. Eksayted na ako sa bago kong trabaho kung ano man iyon. Mag-alas dyes na ng dumating sa opisina ang driver na magiging partner ko kasama ang isang truck helper. Nasira daw truck nila ng gabing iyon at madaling araw na naayos. Pinakilala ako ng in-charge sa opisina sa driver at helper. Tiniginan lang kami. Walang ni Hi! ni Ho! o kumusta man lang. Mukhang hindi sila masaya na makita ako. Malaki ang katawan ng kapwa ko helper, malalaki ang braso at sunog na sunog ang kulay. "Dyos ko! Ano bang klase ng kargamento ang binubuhat nila?" Bulong ko sa sarili. Mukhang hindi magandang pangitain ang nakita ko sa mukha ng kapwa ko helper. Pero wala na akong magawa. Tanggap na ako at sa oras ding iyon ay lalakad na kami.

Sumakay kami sa isang truck na kulay pula at may kargang bilog na tanke sa likod nito. "MALABANAN" ang malalaking letra sa truck. Sumakay kami papuntang bikutan. Walang imikan. Tahimik lang ako. Napansin kong medyo iba ang tingin sa mga katabi naming mga sasakyan sa amin paghuminto kami sa trapik light. Bakit kaya? Ah basta, gagawin ko lang ang ipapagawa sa akin ng mga kasamahan ko maaayos din ang lahat. Sisikapin kong maging kaibigan ko sila sa darating na mga araw.

Pumasok kami sa isang subdivision at tumuloy sa isang bahay diretso sa likoran. Itinuro ng babae ang septic tank. Inutus-utusan ako ng driver na buhatin ang mga gamit at hose. Binuksan namin ang septic tank at naamoy ko ang tapang ng amoy nito. Doon ko nalaman na taga sipsip pala ng mga ebak ang napasukan kong trabaho. Wala akong nagawa kundi lumunok na lang at nagpasyang : "kakayanin ko to!"

Part 3

Sa tatlong linggo ko bilang truck helper sa Malabanan ay naging team lider na ako. Maganda ang tip paminsan- minsan. Pero hindi maiwasang humawak ng ebak. Minsan pumutok ang pump ng truck doon sa Nievo, Makati at sumabog mismo sa mukha ko ang laman ng septic tank. Ewan ko kung anong klase pang trabaho ang mas malala doon. Araw araw kong linilinis ang kubeta ng iba' ibang kleyente namin. Lahat ng nabarang kubeta ay inayos namin. Kinakamay namin kong kinakailangan upang matanggal ang mga bara sa kanilang palikuran. Condom, buhok, napkin, buto ng santol at ano-ano pang mga bagay na nakabara sa kubita ay tinanggal namin ng walang pandidire.

Sa halagang sengkwenta pesos bawat isang kleyente ay pinag tityagaan ko ang aking trabaho. Mga karenderia at mga kainan ay masama ang tingin sa amin pag kumakain kami. Ayaw nila kaming maging kustomer. Naiintidihan namin yon. Marumi ang katawan namin, marumi ang kamay namin at syempre marumi ang pera namin. Kahit anong hugas at ligo ang gagawin namin ay marumi parin kami sa paningin ng tao. Kung pwede lang na di nila tanggapin ang pera namin ay gagawin nila. Marumi kami.

Minsan ay meron kaming kleyente na apartment. Pinapunta kami ng gabi ding iyon dahil mapilit ang may-ari na gawin agad namin ang barado nilang kubita. Maganda ang babaeng may-ari ng apartment. Napansin ko na Bisaya siya. Ako ang lider ng team namin. Baguhan at mahinhin ang partner kong helper. Kaya ako mag-isa halos ang nagtatrabaho. Alalay lang ang isang helper. Kaso, nagloko ang pump ng truck.

Tatlong beses pumutok ang diaprham na goma ng pump. Kailangan kong buklasin ang pump. Kitang-kita ng babaeng may-ari ang hirap na dinanas ko maayos lang ang pump. Kitang kita nya na wala akong pandidiri sa dumi na galing sa kanilang kubita. Dinukot ko rin ang isang anedurong nabara ng napkin. Nakita nya yon dahil binabantayn talaga niya kami upang tapusin ang trabaho.

Nang umandar na ulit ang pump, umupo ako sa tabi at nag pahinga habang ang helper ko ang nagbabantay sa pump. Lumapit ang babaeng may-ari ng apartment at kinausap ako. Paano daw ako napunta sa ganoong trabaho? Nag kwento ako nag nag kwento sa buhay ko. Nag order siya ng jolibee at pinakain ako at nang helper ko. Kwentohan parin kami. "Maghanap ka ng ibang trabaho, na may kaugnayan sa kurso mo." Sabi niya. Hindi ako tumango. "Tama lang po pangkain ang kinikita ko araw-araw mam." Sagot ko. Di siya umimik.

Natapos din ang kanilang kubita may alas kwatro ng madaling araw. Halos lupaypay ako sa pagod. Nag hugas ako sa sarili ko. Masayang masaya ang magandang babae na naayos rin sa wakas ang barado nilang mga kubeta. Nakita ko binigyan niya ng isan daan ang kasama kong helper. Salamat daw. Bago kami umalis tinawag nya ako doon sa kanilang salas. "Maghanap ka ng ibang trabaho" malumanay niyang salita sabay abot sa kamay ko ang nakatuping pera. Binilang ko yon sa kanyang harapan...limang daan! "Ang laki po nito mam!" Ang tapat kong sabi. "Gamitin mo yan para mag hanap ng bagong trabaho". Para ko siyang ate na halos maiyak sa awa sa akin. "Salamat po." Sagot ko sabay alis.

Halos malundag ako sa tuwa! Liman daan! Di ko sinabi sa mga kasama ko na naka jackpot ako! Gaya ng sinabi nang babae, ginamit ko talaga ang pera para maghanap ng bagong trabaho. Kung sino man siya, isa siyang anghel.

- END OF CHAPTER 4

No comments:

Post a Comment